Darkjade Library

Darkjade Library

You may also like

Pba
Pba

Stories for entertainment purposes only.

28/07/2023

"Pumpon ng Alitaptap"
Sa panulat ni: Darkjade

Pagsapit ng dapit-hapon,
Tila antigo yaong pagtunghay.
Kan’yang pamamaalam— ’kay inam pagmasdan,
Nagngangalit n‘yang korona‘y s‘yang tunay ang kariktan.
Itong paglisa‘y ‘di siyang pahimakas,
Bagkus ‘sa lamang paunang patalastas.
Haring araw ma‘y lumubog— ngunit waring nagtanas,
‘Pagkat kan‘yang kagandaha‘y tila nagkalas-kalas.
Pumailanlang sa kalangitan na para bang alitaptap,
Sa pagsapit ng dilim— nagniningningang bituin yaong ’yong kaharap.

Karimlan ma’y manlukob, nananatiling may pag-asa,
Mawala man ang haring araw— dudungaw nama‘y itong si Luna.
Kan‘yang mga ngiti’y bahíd ang pagkabusilak,
Kung ating tititiga‘y ’sang perlas na kulay pilak.
Kung minsa‘y mababahìd sa kan‘ya ang haring araw,
Sa kan‘yang kagandaha‘y may ibang matatanaw,
‘Di lang bastang ilaw,
Bagkus paghuwad na babalik ang ’sang hari
At muli, bibilang yaong numero sa balaraw.
Maglaho mang muli yaong mga alitaptap,
Tiyak panandalia‘t babalik rin sa isang kisap.

21/03/2023

"Tala-Orasan"

I. TAGPUAN

Sa parehong pagkakataon — sa parehong tagpo,
Ang bagong pagsulyap ay panibagong yugto.
Sa dating tagpua'y malabo na ang pagtatagpo,
'Pagkat sa bagong kabanata — oras mo'y tuluyan nang naglaho.

Pagbadyang pag-upo sa malawak na kaparangan,
Ninanais, muli — mata mo'y masilayan.
Silang pumupungay na tila tala sa kalangitan,
Malaki'ng pinagbago — 'pagkat ngayon, kabilang ka na sa mga bituin sa kalawakan.

II. PAGTANGIS

Sa tanikala'y malaya ngunit tuluyan pa ring umalpas,
Sa pangakong panghabang-buhay — ikaw ay kumalas.
Ngayon, sa pagtangis ng luha — ako'y 'di makahigalpas,
Parang nabulid sa kadiliman habang alaala mo'y tinatalastas.

Ba't kailangang may lumisan — ba't kailangang may maiwan?
Ba't kailangang ang dalawang tao'y kalagin ng kamatayan?
Bakit kailangang buhangin ang basehan ng orasan,
Kung maaari namang ang bilangi'y ang mga tala sa kalawakan?

III. PAGLINGON

"Diretso ang tingin — walang luluha, babaling o lilingon,"
Huli kong pangako bago ibaon ang 'yong kahon.
Ang sakit ay maglalaho paglipas ng panahon,
Ngunit mananatili ka sa 'king puso kahit bumilang ng maraming taon.

Babagtasin ang mga pilapil patungo sa 'ting mga pangarap,
Hindi pabubulid sa nakaraan kahit wala nang ikaw na sasalubong sa hinaharap.
Pipiliting mahanap ang saya kahit hindi na mahagilap,
Itutuloy ang buhay kahit wala nang ikaw, mahal.

21/03/2023

Not bad sa pagbabalik.
3rd Place
Average of 94%

Titulo: SAPANTAHA KAY NENA

I. BULONG
[U]rong-sulong mga sulóng nagbabagâ,
[L]apat ng mga tinig — sa tainga'y 'di kaaya-aya.
[A]ndang pagtugon — pagbabalingan siya,
[N]ais lang ay pagsatinig ngunit tila kasalanan yaong pagmuwestra.

II. ULANIGAN
[L]umbay sa pagkapipe'y binulong sa kaparangan,
[U]maampit sa katiting na pag-asang siya'y maulinigan.
[H]ayon si Nena — ngayo'y tila nasisiraan,
[A]ngkop làmang 'pagkat 'tinuring s'yang laruan.

III. TINIG
[N]araramdama'y 'di maisatinig 'pagkat sapantaha'y pinangunahan—
[E]spasyo'y 'di ninais — kailangan niya'y mapakinggan.
[N]ilalayo'y maayos na pagkalitis — hindi sapantaha ng kabulaanan,
[A]atungal na lang — 'di sa pisikal, bagkus mental niyang karamdaman.

IV. SIHAPYO
[D]inaan sa pagtangis 'pagkat tila napag-isahan ng mundo,
[U]ulan ng luha 'pagkat di nahainan ng siphayo.
[D]ulog ay pang-aalipusta — si Nena'y binaliw ng mundo,
[A]yan ang resulta — siya'y sa gilid sumisihapyo.

#

21/03/2023

Aweeee again HAHAHAHAHAHAHAH

Name: John Quincy Ortiz

Title: “Bahaghari”

Content:

Sa gitna ng isla ng Birhenya, naninirahan ang pamilya Panakipbutas. Sila ang nag-iisang pamilya ng mga napkin sa buong kapuluan. Sa gitna ng kanilang kasigasigan upang matugunan ang kanilang gampanin, hindi maiiwasan ang pangungutyang kanilang natatanggap mula sa mga karatig bahay nila.

“Mahal kong Modess, nakita mo ba ang anak nating si Kotex?” anang Whisper.

“Hindi ko pa siya nakikita simula kanina, bakit mo ba siya hinahanap, mahal?” tanong ni Modess.

“Wala naman mahal, sad’yang nag-aalala làmang ako,” anang Whisper.

“H’wag mo masyadong alalahanin ang anak mo, malamang nakikipag laro lang iyon kina Jeunesse at Charmee,” sambit ni Modess.

“Malamang nga ay gayon lang. Halika na’t mananghalian, siguradong mamaya pa uuwi ang mga anak natin,” sambit ni Whisper.

Lumipas ang ilang oras ngunit ang dumating làmang ay tanging sina Jeunesse at Charmee. Umikot ang dalawampu’t apat na oras at hindi manlang nila nasilayan ang anino ni Kotex.

Kinabukasan, nagpaalam si Charmee upang mamitas ng bulaklak sa halamanan. 'Di kalayuan sa nasabing halamana’y nakakita siya ng isang pumpon ng mga pamilya ng pang ilalim at pang-ibaba. Dala ng kyuryosidad, sinubukan niyang makiosyoso dito.

“Patay na ba ang isang iyan?”
“Ang baho naman niya.”
“Napakalansa naman niya. Ano kaya‘ng nangyari sa kaniya?”

Ilan na lang sa mga bulungang narinig ni Charmee. Bahagya niyang sinulyapan kung sino ang nakabulagta sa sahig at nakita ang pamilyar nitong hulma. Nakita niyang duguan si Kotex. Agad siyang lumapit dito upang makasiguradong ang kapatid niya nga iyon at nang matiyak na si Kotex nga ang nakahiga ay agad niyang tinawag sina Modess at Whisper, ang kaniyang mga magulang.

Agad na dinala nila Modess at Whisper si Kotex sa kanilang bahay upang linisan. Samantala, si Charmee ay tumuloy pa rin sa pamimitas ng bulaklak.

Habang namimitas ng bulaklak si Charmee, walang ano-ano’y may dumakma sa kaniya’t iniangat siya sa kaniyang kinatatayuan.

Hindi na niya alam kung saan siya napunta. Namalayan na lang niya’y ipangtatapal na siya sa isang pahiwang punô ng balahibo. Kahit anong gawing pagpalag niya ay wala siyang nagawa.

Naramdaman niya ang sikip, ang higpit at pagkaipit; wala na siyang ibang nagawa kun’di ang sipsipin ang likidong p**a na ibinubuga ng isang butas. Dahil sa lansa nito’y nawalan siya ng malay.

Mukhang ‘gaya sa kan’yang kapatid na si Kotex ang kaniyang naranasan. Nahimasmasan na lang siyang napalilibutan na ng iba pang mga pamilya. Sinubukan niyang umalis dito dahil hindi niya kayang matiis ang mga naririnig niya mula sa mga ito.

May bahid ng panlalait, pangdidiri’t kung ano-ano pang diskriminasyon.

Maya-maya pa’y dumating na ang kaniyang mga magulang. Inakay siya nito pauwi at nilinisan.

“Anak, kahit anong mangyari h‘wag mong ikahihiya ang naranasan mo,” anang Modess.

“Anak, alam kong nakakababa ng moral, pero ito ang gampanin natin kaya tayo nabubuhay,” sabat naman ni Whisper.

Sinagutan niya làmang ito ng pagtango habang pabadya pa rin ang mga luha sa kaniyang mga mata.

Ilang sandali lang ang nakalipas ay sunod-sunod na pamamato sa kanilang bahay ang dumagundong sa kanila. Kasabay nito ang mga salitang hindi kanais-nais.

“Umalis na kayo rito, nakakadiri kayo!”
“Kayo ang nagpapabaho ng lugar na ito, mabuti pa nga sigurong umalis na kayo!”
“Ang baho ng pamilya n’yo, pano ninyo nasisikmura ang trabaho n’yo?!”

Ilan lang sa mga isinisigaw ng kanilang mga kapitbahay. Nilabas ito ng mag-asawang Modess at Whisper upang kausapin.

“Ano ba ang problema ninyo sa‘min?” bungad ni Whisper.

“Umaalingasaw ang amoy ninyo sa buong isla, bakit hindi na lang ba kayo mawala?!” bulyaw ng pamilya ng mga panty.

“Kung mawawala kami, kaya ba ninyong gawin ang trabaho namin?” sagot ni Modess. Ang lahat ay napatahimik dahil wala silang maisagot. “Kayong mga panty, kaya ba ninyong tumbasan ang trabaho namin? Kung hindi n‘yo rin naman kaya, bakit ninyo kami pinaaalis?” dagdag pa niya.

Dahil sa kaniyang mga sinabi, unti-unti nang umalis ang kanilang mga karatig lugar. Simula noo’y wala nang sinumang nagreklamo’t nanlait sa kanilang ginagawa.

Moral na Leksyon: Kulang ang bahaghari kung wala ang p**a, ang kan’yang kawalan ay may malaking resulta. Iyong tandaan, gaanoman karumi ang ang iyong trabaho, karangalan pa rin ang ginagawa mo.

-----PAGTATAPOS-----

Wc: 671

21/03/2023

Title: "Bala de Obra"
Pen name:

Story:

Isang malakas pagbagsak ng pinto ang pumukaw sa aking atensyon habang ako‘y payapang nagpipinta sa aking silid. Agad niya akong tinutukan ng baril at ‘di nag-atubiling iputok ito. Hindi na ako nakaporma pa nang sunod-sunod niyang kalabitin ang gatilyo nito. Malalakas na putok na baril ang pumailanlang sa paligid habang tuluyang nanlalamig ang aking katawa‘t nanlalatâ sa paglaon ng maikling oras.

Kasabay ng panlalabo ng paningin ko‘y ang paglamig ng aking katawan na tila ba ako‘y lumulubog sa kaibuturan ng karagatan.

Sa isang iglap, isang mukha ng pawisang babae ang bumungad sa aking paningin. Mukha siyang pagod ngunit mababakas sa kan‘yang mukha ang nagdidiwang na ngiti.

“Telo, Telo, tingnan mo ang anak natin,” bigkas ng babae. Isang lalaki naman ang agarang lumapit sa amin. Ang mga mata niya‘y tila ba nagkikinangang mga diyamante habang ako‘y kan‘yang tinitingnan.

“Maraming salamat sa pagluluwal sa butihin kong anak, Delora. Walang pagsisidlan ng aking tuwang ikaw ang kaniyang ina.” Marahan niyang niyakap ang babae. “May naisip ka na bang ngalan niya?” tanong ni Telo.

“Mula ngayon, tatawagin natin siyang Bolo,” turan ni Delora.

Dahil sa pagnanais kong tumayo, bahagya kong inangat ang aking mga bra*o ngunit ang nasilayan ko‘y mga bisig ng sanggol.

Bakit naging bata ulit ako?!

Mabilis lang na lumaon ang panahon. Natuto akong tumayo, magsalita, magbasa, magsulat, at higit sa lahat, ang puminta.

Ang mga bagay nga na nakikita ko ay parang normal lang ngunit sa dalawampung taon kong pamumuhay rito, masasabi kong kakaiba ang lugar o mundong ito.

Ang bawat taong naririto‘y mahuhusay na pintor. Tila ba ang pagiging malikhain sa lugar na ito‘y kasabay na sa kanilang paghinga. Ang mundong ito‘y masasabing puno ng mahika. Ang mga taong kanilang pinipinta ay maaaring makausap. Ang mga hayop sa kanilang mga obra ay kumikilos na parang totoo; ang mga ibon ay lumilipad, ang mga isda'y lumalangoy, at ang iba pang mga hayop ay tumatakbo. Ang mga likhang sining na walang sariling porma‘y nagmimistulang bahagi ng mundo.

Hindi ko alam kung anong sikreto nila. Ang mga obra ko‘y nananatiling iba. Hindi ko alam kung saan ko napupulot ang aking mga ideya ngunit ang nilalaman ng aking mga obra‘y pinupuno ng trahedya; mga dugo, armas, at higit sa lahat, ang kamatayan.

Dala ng pagkabagot, naisipan kong maglakad-lakad na lang muna. Nilibang ang aking sarili sa naggagandahang likhang sining ng bawat isa.

Walang ano-ano’y kinilabutan na lang akong bigla. Kusang kumilos ang aking mga paa‘t tumakbo patungo sa pribado kong budega.

Agad kong nasilayan ang aking ama‘t ina, nakabulagta‘t duguan.

“Takbo Bolo, takbo!” bulyaw sa akin ni Telo. Susubukan ko pa sanang tumakbo ngunit may kung anong tumama sa likod ko.

“Ang akda mo‘y karumihan sa pamahalaan. Ang pagbubunyag ng natatagong sikreto‘y walang kapatawaran,” turan ng isang lalaki habang patuloy na pinupukol sa aking ulonan ang hawak niyang matigas na bagay. Doon ko napagtantong ang obra ko‘y ‘gaya kong ‘di nabibilang sa mundong ito. ‘Pagkat ang likhang sining ko‘y pambabatikos sa pamahalaan ng nakaraan buhay ko, na ‘di inaasahang maulit sa mundong ito.

-----WAKAS-----

21/03/2023

KILABOT ENTRY #18

☠️ Title: "Sulô"
☠️Pen name: DarkjadeSum
☠️Word count: 921

☠️Content:

Araw-araw na lang nababalita na may nawawalang mga bata. Maraming bulung-bulungan sa paligid gaya na lang ng usapan sa karinderya nila Aling Nena. Sabi nila huwag daw palalabasin ang mga bata lalo na sa gabi dahil may mga nangunguha raw ng bata. Sa kabayanan naman ay may bulung-bulungan na may baliw raw na umiikot tuwing gabi para manguha ng mga bata. Ang kapitbahay naman namin ay sinasabing naglipana raw ang mga aswang at sa mga liblib na lugar, sinasabi nilang naligaw na raw ng mga engkanto ang mga kaluluwa ng mga nawawalang bata sa kakahuyan.

Sa dami ng mga haka-haka ay hindi ko na alam kung sino ang paniniwalaan. Madalas na nga lang naming gawing katuwaan na baka isang araw kami na susunod na mawawalang bata sa aming bayan. Hindi ako takot pati na rin ang mga tao sa aming baranggay, sa katunayan, napag-usapan pa nga naming magkakaibigan na manghuli ng gagamba sa gubat pagsapit ng dapit-hapon bilang katuwaan.

Umuuso na naman kasi ang labanan ng mga gagamba, ang kantyawan at iyakan kapag natatalo ang mga pambato nila. Dahil uso nga ang gagamba, gaya nang nakagawian ay sinasamantala naming magkakaibigan ang pagkakataon para kumita ng pera.

Tumapat na sa ikalima ng hapon ang kamay ng orasan. Hudyat ito na kailangan ko nang pumunta sa kanto gaya nang napag-usapan. Pagdating ko sa kanto, may mangilan-ngilang bata na ang nakaupo sa lansangan. Mukhang gaya namin ay nag-usap-usap ang mga ito na mangilaw ng gagamba sa gubat.

Ilang minuto lang ng paghihintay ang nakalipas, nakita ko nang lumabas sa bahay nila ang magkapatid na si Jek at Jake. Nagpalipas lang kami ng sandali para sumabay sa iba pang mga bata para pumunta sa kagubatan.

Bitbit ang pangilaw at mga basyo ng posporo, pinangunahan ko ang paglalakad papunta sa kakahuyan. Tatlumpong minuto nang paglalakad ang lumipas, narating namin ang riles ng tren. Pagtawid lamang nito ay mararating na namin ang gubat kung saan maraming nahuhuling mga gagamba.

“Kuya, parang ayoko nang tumuloy, natatakot ako,” sambit ni Jek habang nakahawak sa laylayan ng damit ng kan’yang kapatid.

“Ano ka ba naman Jek, nandito na tayo oh. Marami naman tayong kasama, ano bang kinakatakot mo?" iritableng tugon ni Jake.

"Hindi ka naman lalayo sa 'min, bitbitin mo lang 'yang mga basyo para makarami tayo," bulong ko kay Jek. Wala naman kasing bago sa batang to, talagang panlawin talaga s'ya lalo na sa dilim kaya iniintindi ko na lang.

Tumuloy na kami sa pagtawid sa riles. Mahamog ang pamiligid dahil mapuno ang kapaligiran. Nanunuot na rin ang lamig sa aking balat kaya minainam ko na bilisan ang galaw para makaramdam ng onting init.

Lumipas ang isang oras na pangingilaw, tuluyan nang lumubog ang araw. Nahiwalay na kami sa ibang mga bata dahil napapalalim na rin kami sa kagubatan.

Kataka-taka na ang lamig kanina ay hindi ko na nararamdaman. Siguro dahil na rin sa pagod sa paglalakad kaya hindi ko namalayan. Panandalian kaming naupo nila Jek at Jake sa damuhan para kahit paano ay makapag pahinga naman. Nagpaplano na rin naman kaming bumalik dahil nakarami na rin naman kami ng nahuling gagamba.

Sa gitna ng katahimikan, nakaramdam ako ng tawag ng kalikasan. Lumayo ako bahagya sa magkapatid para umihi ngunit habang umiihi ako, isang bolang apoy ang natanaw mula sa ilalim ng isang puno dalawang metro ang layo mula sa amin. Nangatog ang aking mga tuhod at nangilabot sa aking nakita, isa itong santelmo. Bigla akong napalingon kay Jake nang tawagin ako nito habang lumalapit sa akin. Agad ko itong tiningnan, nilagay ang hintuturo ko malapit sa aking mga labi at umiling. Mahihinuha sa kan'yang mukha ang pagtataka ngunit gaya nang binigay kong sinyales ay tumahimik siya.

Iginiya kong muli ang aking paningin sa santelmo at laking gulat ko nang papalapit ang ibang mga bata sa kinaroroonan nito. Lalong nanindig ang aking mga balahibo nang unti-unti itong lumaki at umusad patungo sa isang bata ang apoy.

"Takbo!!!" napasigaw na lang ako dahilan upang mapukaw ko ang atensyon nang iba pang mga bata ngunit huli na para sa isang bata para makalayo dito. Nakita ng aking mga mata kung paanong tinupok ng santelmo ang batang pinakamalapit dito. Nakita ko kung pano itong nalusaw na parang binuhusan ng asido.

Nagsitakbuhan ang lahat gayon na rin kami nila Jek at Jake. Nangingiyak-ngiyak pa sa aking nakita ngunit kailangan kong tumakbo. Sunod-sunod na paghiyaw at paghingi ng saklolo ang narinig ko. Ang mga sigaw ng mga kasama naming mga bata habang nasusunog, pakiramdam ko'y nararamdaman ko.

Mas binilisan namin ang takbo nang mapansing kami na ang hinahabol ng bolang apoy ngunit dahil sa pagmamadali ay nadulas sa isang bangin si Jek dahilan upang panandalian kaming huminto. Susubukan ko pa sanang tumulong ngunit pinangunahan ako ng takot kaya dumiretso ako sa pagtakbo.

Hindi ko na namalayang tumigil pala sa pagtakbo si Jake para tumulong sa kapatid nito ngunit paglingon ko, nilalamon na siya ng apoy ng santelmo. Nalulusaw ang kan'yang balat habang humihingi ng saklolo. Hindi manlang inabot ng tatlupong sigundo at tuluyan siyang naglaho kasama ng kan'yang bungo.

Napatigil ako habang nakatayo. Napaliliguan ng butil ng malalamig ba pawis mula sa aking balat at nang mamulat-mulatan ko, kaharap ko na ang bolang apoy na tumupok sa lahat ng mga batang kanina ay kasama ko. Tuluyan itong lumapit sa akin ang nilamon ang buo kong pagkatao. Nanuot sa aking balat hanggang sa aking buto ang init habang nararamdamang nalulusaw ang katawan ko. Naririnig ang paghingi ng saklolo ng bawat biktima ng halimaw na ito, ang elemento na kung tawagin ay Santelmo.

—————ANG PAGTATAPOS—————

08/11/2021

"When Bobo Meets Tanga 2: Sinking Or Going Deeper?"

Matt's POV

Hindi ‘gaya nang nakasanayan, mas maaga akong puma*ok ngayong araw. Nakalimutan ko kasing linisan ang restau bago umuwi kahapon kaya naman kailangan ko itong gawin nang mas maaga ngayon.

5:30 pa lang ng umaga nang dumating ako sa restau. Medyo may kadiliman pa kaya binuksan ko muna ang mga ilaw bago walisan ang paligid. Matapos ko magwalis ay kinuha ko agad ang mop para maglampa*o.

Kasisimula ko pa man lang ng paglalampa*o‘y kumakagat na agad ang antok sa mata ko dahil masyado pang maaga. Dahil dito, tinabi ko muna ang mop sa entrance at pinatay ang ilaw para buksan ang ilaw sa kusina. Agad akong humagilap ng maligamgam na maiinom para mapawi ang antok ko.

Habang naglalakad para bumalik sa paglilinis bitbit ang maligamgam kong kape, may narinig akong ingay sa entrance na parang may natumba. Dali-dali ko itong tinungo para tingnan kung ano iyon, binuksan ko ang ilaw at tumambad sa harap ko si Hero na nakahiga‘t basang-basa. Katabi niya ang timbang pinagwawaswasan ko ng mop.

Agad akong pumunta sa kinahihigaan niya ngunit bigla akong nadulas dahil sa tubig sa sahig. Dahil dito, aksidente kong natapwak ang kapeng hawak ko sa maselan niyang bahagi.

“Araaaaaaaaaaay!” sigaw niya na parang napa*o sa maligamgam kong kape. Agad akong lumapit sa kaniya para igiya patayo‘t tulungang maupo sa upuan.

“Sino ba‘ng bobong naglagay ng timbang may tubig sa entrance habang patay ang ilaw?” iritable nitong saad.

“Baká ‘yung kapitbahay,” sagot ko.

“Wala namang bahay malapit dito sa restau ah. Sinong tinutukoy mong kapitbahay?” Mukha s‘yang tanga sa tanong na ‘yon kaya hindi ko na lang sinagot. “Ano ba kasing ginagawa mo rito nang ganito kaaga?” tanong ni Hero nang hindi ako umiimik.

“Naglilinis, hindi ba halata?” pabara kong sagot.

“Naglilinis ka? Siguro ikaw naglagay ng timba sa entrance ‘no?” imik niya

“Ako nga,” sabi ko sabay ngirit

“Bakit d‘yan mo naman nilagay? Ang bobo mo talaga,” pabiro niyang sabi.

“Sino ba kasing tangáng hindi tumitingin sa dinadaanan niya, alam nang madilim?” bulong ko sa sarili ko. “Hayst, tama na nga ‘yan, maligo na lang tayo. Basang-basa ka na oh,” sabi ko.

“Maliligo? Sasabayan mo ‘ko?” Nilapit niya ang mukha niya sakin.

“Lumaki ka bang hindi naliligo? Bakit kailangan mo pa ng kasabay? Maligo ka na nga dun,” iritable kong sagot. Mag-isa siyang pumunta sa banyo na nakamungot ang mukha na parang dismayado.

Tinuloy ko ang paglilinis habang naliligo si Hero at naligo na rin pagtapos niya. Pinalipas namin ang oras nang walang ginagawa kun‘di magk‘wentuhan hanggang sa dumating na rin ang iba naming katrabaho.

Hindi ‘gaya sa nakasanayan, iilan-ilan ang tàong dumadating para kumain pero unti-unting dumarami habang patanghali.

“My Heroooo!” sigaw ng dalagita habang nagmamadaling tumakbo kay Hero at niyapak ito mula sa likod.

------------------

Hero‘s POV

Nagulat ako nang may sumigaw sa pangalan ko na nasundan ng pagyakap. Agad kong kinalas ang pagkakayakap nito at nilingon kung sino ito.

“B-Baby, anong ginagawa mo rito?” tanong ko nang bumungad sa‘kin ang mukha ni Maria.

“Ano bang klaseng tanong ‘yan, my Hero? Ano pa ba, edi binibisita ka. Bawal ko na bang bisitahin ang Hero ko?” sagot niya saka muling yumakap sa‘kin. Dahil sa may kaliitan naman si Maria, bahagya kong nakita si Matt na papalapit sa‘min.

“Excuse me, miss. Kung hindi naman po ako nakakaistorbo... p‘wes kayo po ang nakakaistorbo. May trabaho pa kasi kami e, p‘wedeng maupo muna kayo sa bakanteng upuan?” mahinahon pero nakakatakot na saad ni Matt na nasundan ng pasukib na tingin sa‘kin.

“Teka, sino ka b—” Agad kong tinakpan ang bibig ni Maria bago pa niya matuloy ang sasabihin niya. Inalalayan ko itong maupo sa bakanteng mesa habang nakatakip ang kamay ko sa bibig niya.

“Baby, dito ka lang muna ha. Order ka lang ng gusto mo kung nagugutom ka. Libre ko basta behave ka lang.” paglalambing ko dito.

“Sige my Hero, galingan mo sa trabaho. ‘Wag ka papatalo sa masungit na ‘yun!” sabi nito sabay duro kay Matt na hindi nakatingin sa‘min. Nginitian ko na lang ito bago bumalik sa trabaho.

--------------------
Matt‘s POV

1㏘ na kaya isinara muna namin ang restau para makakain na ang mga trabahante. Kahit sarado na, ang lakas ng loob ng babaeng ‘to para magstay pa rin dito. Sino ba ‘to?

Kasama namin s‘ya ni Hero sa mesa habang kumakain. Kahit gusto kong makausap si Hero, hindi ko magawa dahil walang tigil sa pagsasalita ang babaeng ‘to.

“My Hero, nauuhaw ako.”
“My Hero, sa‘yo na lang ‘tong gulay, ayo‘ko n‘yan.”
“My Hero p‘wede akin na lang yung sausage mo?”
“My Hero, paabot naman nung tissue.”

Kung makalingkis kay Hero parang ahas. Para ring sirang plaka kaka-My Hero. Nakakairita!

“Wala na akong ganang kumain, sige, maiwan ko na kayo!” sabi ko sabay tayo bitbit ang pinggan ko.

“Walang gana o naubos mo na yung pagkain mo?” tanong ni Hero. Napatingin naman ako sa pinggan ko nang hindi namamalayang naubos na pala ang pagkain ko. Tiningnan ko lang si Hero saka tuluyang umalis.

Matapos kumain, umalis na rin naman ang babaeng walang habas kung makalingkis kay Hero. Tuloy ang trabaho pero mas maaga akong umuwi kaysa sa nakasanayan.

Kinabukasan, buong araw ko na namang narinig ang nakakairitang ˝My Hero˝ ng babaeng ‘yon.

“Mami, p‘wede ba akong mag off nang mas maaga ngayon? Wala kasing kasama sa bahay si mama.” paalam ko kahit lagi namang mag-isa si mama sa bahay tuwing pumapa*ok ako.

“Oo naman, para naman tayong bago nang bago n‘yan. Basta tapusin mo lang yung working hour mo and you‘re free to go. Masyado mo kasing sinisipagan e,” sagot ni Mami.

“P‘wede ba kitang ihatid?” tanong naman ni Hero.

“Hindi na, may sarili akong paa. Isa pa, ayo‘kong ipaalam sa‘yo kung saan ako nakatira. Bakit hindi mo na lang ihatid yung... BABY MO,” sagot ko.

“Ayun, nagseselos naman pala,” sabi niya saka bahagyang inilapit sa‘kin ang mukha.

“Ako, nagseselos? Bakit naman ako magseselos? Napipikon lang ako sa kaka-Baby mo, at kaka-My Hero n‘ya. Nakakairita!” sagot ko na bahagya niyang tinawanan. “Anong nakakatawa?”

“Edi nagseselos ka nga. Ano ka ba? 10th grader lang ‘yon, ‘wag ka magselos dun. Nasanay lang ‘yon nang binebaby ko, okay?” paliwanag niya. “Papayagan mo na ba akong ihatid ka?” tanong niya.

Tinitigan ko lang naman siya sa mahigit limang segundo. “Tch, kung hindi ka lang gustong makita ni mama hindi ako papayag e. Oo na, sige na,” sagot nito. Nakita ko naman siyang ngumiti na mukhang dahil sa tuwa.

Maya-maya nang paalis na kami, bigla niyang kinuha ang cellphone n‘ya sa bag. “Tatawagan ko lang si Maria, ha. Saglit lang ‘to.” paalam ni Hero saka pumunta sa likod ng restau.

“Hmm... Maria na naman? Yung baby mo na naman?” pagsusungit ko.

“Bata lang ‘to, okay? ‘Wag ka masyadong seloso,” sabi niya saka tumuloy sa paglalakad papunta sa likod.

----------------

Hero‘s POV

“Hello, Maria, nasa‘n ka na?” tanong ko sa kabilang linya.

“My Herooo! Nakauwi na ako, ikaw ba?” sagot ni Maria

“Nakaoff na ako. Pauwi na rin ako. By the way, may kasama ka na ba d‘yan sa inyo?” tanong ko.

“Wala pa nga po e. Hindi pa dumadating sila kuya Austin... Ay, teka, teka. Ayan na pala sila, kadarating lang. Pinaparada lang yung sasakyan,” tuwang-tuwang sagot ni Maria.

“Buti naman. S‘ya nga pala, pakisabi kay espren kapag may libreng araw s‘ya tawagan ako ha. Dadaan kami d‘yan ni kuya Matt mo, may hihiramin lang,” sagot ko.

“Okay, my Hero. Makakarating. Ingat sa pag-uwi, bawal madisgrasya nagligtas sa‘kin ha, love youuuuuu,” sabi niya.

“Oo na, oo na. ‘Wag masyadong lalapit sa pool ha, hindi ka marunong lumangoy. Hero loves you too.” May narinig akong bahagyang kumaluskos sa likod pero di ko na pinansin.

“Opo my Hero. Bye na po, ibababa ko na ‘tong tawag ha,” sabi ni Maria.

“Teka, sandali. Bago mo ibaba, p‘wedeng kuya Hero na lang itawag mo sa‘kin kapag nasa restau ka? Nagagalit kasi si Matt sa‘kin e,” sabi ko.

“Matt... hmm... sino ba s‘ya, kuya? Bakit naman s‘ya magagalit?” takang tanong nito.

“Hindi pa ba nasasabi ni Austin sa‘yo? Mukha nga. Ako na lang magsasabi. Si kuya Matt mo kasi... boyfriend s‘ya ni kuya Hero mo, naiintindihan mo naman ‘di ba?” sagot ko.

“H-Hala, boyfriend mo pala siya? Kaya pala parang ang init ng dugo n‘ya sa‘kin. Sige my Hero, masusunod po,” sagot niya sa malambing na tono.

“O, sige na, ibababa ko na ‘tong tawag ha, ihahatid ko pa kasi s‘ya e. Yung bilin ko ha, ‘wag mong kakalimutan! Bye!” sabi ko saka ibinaba ang tawag.

Agad akong pumunta kung saan ko iniwan si Matt pero wala na siya roon. Tiningnan ko rin siya sa loob ng restau pero wala na rin siya doon. Sinubukan ko na rin siyang tawagan pero hindi sumasagot kaya nagpatulong na ako kay Boss Mami.

Ilang beses ding tumawag si Mami kay Matt bago nito sagutin. Hindi rin naman nagtagal ang tawag nila at naputol din.

“Nakauwi na raw si Matt,” sabi ni boss Mami.

“Bakit hindi na ako hinintay? Akala ko ba ihahatid ko s‘ya?” taka kong tanong.

“Aba malay ko sa inyo. Hindi naman n‘ya sinabi kung bakit e.” sagot nito.

“Gano‘n ba? Sige, ako na lang magtatanong sa kan‘ya bukas. Uuwi na rin ako Mi,” sabi ko.

Kinabukasan, halos hindi ako kausapin ni Matt. Kung hindi lang siguro dahil sa trabaho, hindi ako iimikan nito. Hindi ko alam kung anong nangyare sa tàong ‘to at parang may buwanang dalaw kung makaasta. Ilang araw rin siyang ganito kamoody bago ko siya makausap.

“Ano ba‘ng problema mo, Matt?” tanong ko

“Ako, may problema? Baka ikaw yung may problema, subukan mo kayá itanong sa sarili mo, ‘no?” bulyaw sa‘kin ni Matt.

“Bakit hindi mo na lang kaya sabihin? Hindi yung ginagawa mo pa akong tangang nanghuhula dito kung bakit ka nagkakagan‘yan,” sagot ko.

“Hindi ba ako yung ginagawa mong tanga rito, Hero? ‘Wag akong magselos? Bata lang ‘yon? 10th grader lang ‘yon? Pero ano, may pa Hero loves you too ka pa. Ang galing, ikaw nga siguro ginagawa kong tanga dito,” mangiyak-ngiyak na sagot ni Matt.

“Hindi mo naman naiintindihan, Matt, e.”

“Ano pa ba‘ng hindi ko naiintindihan? Rinig na rinig ko, Hero. Alam ko mahina ulo ko, pero hindi naman siguro ako gano‘n kabobo para hindi maintindihan ‘yung narinig ko,” sabi niya saka tuluyang umalis. Kahit gusto ko s‘yang sundan, hindi ko alam kung paano ko rin ipapaliwanag dahil mukhang ayaw rin naman niyang makinig. Hindi ko rin maikilos ang binti ko para sundan siya.

Kinabukasan, alas-otso na pero wala pa rin si Matt.

“Boss Mami, hindi raw ba papa*ok si Matt?” pasimpleng tanong ko kay Mami sa counter.

“Nagdala s‘ya ng resignation letter kanina, maagang-maaga pa. Hindi ko pa officially tatanggapin ‘to, kung may problema kayo, pag-usapan n‘yo,” sagot nito.

“Pa‘no ko naman s‘ya makakausap e hindi ko naman alam kung saan s‘ya nakatira, Mi,” sagot ko.

Bigla namang may inilapag na maliit na papel si Mami sa counter. “Ito na lang siguro matutulong ko sa‘yo. Hahanap muna ako nang papalit sa inyo bukas hanggang sa magkaayos kayo. Siguraduhin mo lang na maibabalik mo si Matt dito, kung hindi, ikaw magbabayad ng nang ibabayad ko sa mga papalit sa inyo, okay ba?” sabi nito. Agad ko namang tiningnan kung anong laman ng papel at nakitang address ito.

“Deal, salamat boss Mami.” Agad akong bumalik sa trabaho pero maagang nag-off para tingnan ang bahay sa nakasulat na address.

Ilang araw na akong pabalik-balik dito. Hindi ko man makita ang mukha ni Hero, alam ko namang naririnig n‘ya naman ang boses. Hindi nagmintis ang araw-araw kong panghaharana gamit ang mga kanta ng Ben&Ben at Rey Valera. Ngayon ang ika-limang araw na babalik ako rito. Pagbaba ko sa sasakyan bitbit ang gitara ko, agad akong tumayo sa harap ng gate ng bahay na nakasulat sa binigay na address sa‘kin ni Mami.

“Kahit pagtinginan pa ako ng maraming tào. Kahit ilang araw, linggo, buwan o taon pa akong magpabalik-balik dito. Kahit magmukha akong tanga sa mga paulit-ulit kong kanta, hindi ako magsasawang bumalik dito hanggang sa pansinin mo lang ulit ako. Matt, hayaan mo akong magpaliwanag, kahit isang beses lang, p‘wede ba?” pasigaw kong saad bago muling kumanta.

“Hero!” sigaw ng isang pamilyar na boses bago ko pa man kalabitin ang gitara ko. Agad kong hinanap kung saan iyon nanggaling at nakitang mula iyon sa kalapit-bahay ng bahay na kinatatayuan ko. Nakita ko si Matt na nakatayo habang nakangiti sa labas ng gate ng isang bahay. Agad ko siyang nilapitan at niyakap nang mahigpit.

“Ang tanga mo talaga. Ilang araw mo nang hinaharana yung kapitbahay namin.” sabi nito.

“Huh? Hindi ba ‘yan ‘yung bahay ni‘yo? ‘Yan ‘yung nakalagay sa address na binigay sa‘kin ni mami e,” sagot ko.

“Pinapaupahan namin ‘yang bahay na ‘yan.”

“Sino ba naman kasing bobong gumagamit ng address ng pinapaupahan nilang bahay? Pero bago ang lahat, hayaan mo akong magpaliwanag, please,” sabi ko habang nakayakap sa kan‘ya.

“Hindi na kailangan, naik‘wento na sa‘kin lahat ni Maria. Sorry kung hindi kita pinakinggan, sorry talaga.”

“Hindi mo kailangang magsorry, kasalanan ko rin naman. Hindi ko ipinaliwanag nang mas maaga sa‘yo.” Iginiya niya ako papa*ok sa bahay nila. Kagaya nga nang nasasabi ni Matt, marami silang alagang a*o pero hindi naman ito nakakatakot ‘gaya ng mga nakukuwento niya. Tinawag naman niya ang mama niya na mukhang nasa k‘warto.

“Maganda—... yaya Neli?” gulat kong tugon.

“Hiro? (Pronounce as Hayro) Anong ginagawa mo rito?” tanong nito.

“Hero po ‘ya, hindi Hiro. Pero bago ang lahat... anak ni‘yo po si... Matt?” tanong ko rito.

“‘Wag mo sabihing ikaw ‘yung boyfriend ni Matt?” gulat niyang tugon.

“Teka, ‘ma, magkakilala kayo?” singit ni Matt.

“Ang galing nga e, hindi manlang nagbago ang itsura nito ni Hiro, g‘wapo pa rin.”

“‘Ya, Hero po, hindi Hiro,” sagot ko.

“Oo na, s‘ya na. Hero na kung Hero pero tigilan mo ako sa kakayaya mo. Tita na, tita itawag mo sa‘kin,” sagot nito.

Inubos lang namin ang oras namin sa pag-uusap. K‘wentuhan ng kung ano-anong bagay at kung paano ako inalagaan ni yaya Neli noong bata pa lang ako.

-----------------------------------

Matt‘s POV

Kinagabihan, tumawag sa‘kin si boss Mami para sabihing bumalik daw ako sa trabaho bukas. Kagaya ng utos niya, puma*ok ako kinabukasan.

Maaga pa lang nang mapansin kong may kausap sa cellphone si Hero. Siguro importante ‘yun dahil hindi naman niya sasagutin ang tawag habang nasa trabaho kung hindi ito importante. Matapos maputol ng tawag, agad namang lumapit sa‘kin si Hero. “Bukas, may pupuntahan tayo. Magbihis ka ha,” sabi nito.

“Hindi naman natin day-off bukas, pa‘nong may pupuntahan?” tanong ko.

“May catering ‘tong restau bukas. Medyo malaki kaya sarado ‘tong shop bukas. Hindi naman tayo kailangan do‘n at naipagpaalam ko na rin kay boss Mami ‘to kaya sumunod ka na lang,” paliwanag niya.

Kagaya nga nang nasabi niya, kinabukasan, sumunod na lang ako sa gusto niya. Tanghali na nang daanan niya ako sa bahay kaya hapon na rin nang makarating kami sa isang bahay. Dire-diretso lang kaming puma*ok sa gate nito na parang kan‘ya ang bahay pero imbes na puma*ok sa harapan ng bahay, dumiretso kami sa likod nito.

“My Heroooo!” sigaw ni Maria habang papatakbo sa‘min malapit sa pool.

“O, dahan-dahan. ‘Wag kang tumakbo, ayo‘kong mabasa ngayon, may lakad ako. Kapag nahulog ka sa pool hahayaan talaga kitang malunod,” pabirong sagot ni Hero.

“Kuyaaaa Matt!!!” sigaw rin niya sa‘kin na sinagutan ko lang ng ngiti.

“Baby, nasa‘n si kuya Austin mo?” tanong ni Hero kay Maria.

“Nasa loob po,” sagot ni Maria. Agad namang puma*ok sa loob si Hero. Lumabas siya na kasama na si Austin, ang best friend n‘ya.

“Hi, Matt. Aba... gumaguwapo ka ata lalo ngayon ah, mukhang inaalagaan ka nang tama nitong si Hero,” bungad niya sa akin. “Oh, ayos na kayo ni Maria? Sa susunod ‘wag mo nang pagseselosan kapatid ko ha,” dagdag pa niya. Napakamot naman ako sa ulo saka nagbigay ng wirdong ngiti.

“Sige na, tama na ‘yan. Mauuna na kami ha. Ayo‘kong masayang ang oras e,” paalam ni Hero sa dalawa saka kami tuluyang umalis.

Gabi na nang ihinto ni Hero ang sasakyan. Bago bumaba sa sasakyan ay piniringan niya muna ako. Inakay kung saan saka tinanggal ang piring sa mata ko.

Bumungad sa‘kin ang maliwanag na paligid. Aakalain kong nasa ibang bansa ako ngayon kung hindi sasakyan ang sinakyan namin.

“Teka, Hero, ano bang lugar ‘to?” tanong ko.

“Wala tayo sa ibang bansa, ibang bansa ang pumunta sa‘tin. ‘Wag ka mag-alala, nasa metro Manila lang tayo. Vernice Canal lang ‘to.” sagot niya saka ngumiti sa‘kin. “Akin na ‘yung kanang kamay mo,” utos niya. Agad ko namang ibinigay ang kamay ko. Nagulat naman ako nang ipinosas niya ang kamay ko sa kamay niya. “Bawal kang lumayo sa‘kin. Sa itsura mong ‘yan, baka maraming manghatak sa‘yo dito. Hindi p‘wede, akin ka lang,” sabi niya saka kumuha ng ilang litrato sa nakaposas na‘ming kamay.

Isang tipikal na paglabas. Kumain, kumuha ng mga larawan, nag-ikot habang nakikinig sa malambing niyang tinig. Nang makaramdam ng pagod, naupo kami sa isang bridge para magpahinga. Kapansin-pansin na may hinahanap na kung ano si Hero sa bag niya. Maya-maya pa ay inilabas niya ang isang kandado at susi.

“Ano naman ‘yan?” tanong ko.

“Wala lang. Gusto ko lang dito magsimula ulit ‘yung bago na‘ting alaala. Magkaroon man ng pagtatalo, sana wala nang tangkang hiwalayan. P‘wede naman ‘yon, ‘di ba?” sambit ni Hero.

Tinanguan ko lang siya dahil hindi ko ito masagot. Hindi dahil sa hindi ako sigurado, kun‘di dahil naaalala ko lang kung paano ko siya nakasundo dahil sa mga salita niya. Alam kong pasmado ang bibig nito pero nagpapaalala lang ito sa‘kin na ang lahat nang sinasabi niya‘y totoo. Hindi niya kailangang maging matalino, sapat na‘ng pagiging totoo niya para mahulog ako.

Inilock niya sa tulay ang kandado. Napansin ko naman ang nakasulat dito.

˝Matt&Hero walang dulo˝

Ihahagis na sana namin sa tubig ang susi pero biglang may tumawag kay Hero kayá sinagot niya muna ito at inilagay ang susi sa kan‘yang bulsa. Agad niya ring kinuha ang susi nang matapos ang tawag at iniabot niya sa‘kin ang susi. “Ikaw na maghagis,” sabi niya.

“Ayo‘ko nga, baka may tamaan pa akong isda d‘yan sa tubig, karmahin pa ako,” sabi ko.

“Oo nga, tama. Ilapag mo na lang ‘yung susi d‘yan,” pagsang-ayon niya. Umalis na rin kami paglapag ko ng susi.

“Teka, hindi kas‘ya ‘yung susi sa posas,” sabi ni Hero.

“Ano? Pa‘no nangyari ‘yon?” tanong ko.

“Baka naman... maling susi yung inabot ko sa‘yo kanina.” sagot nito.

“Hay nako, Hero. Paano na lang kung naitapon ko ‘yung susi sa tubig kanina? Edi habang buhay na tayong nakaposas? Pasalamat ka mahal kita kahit tanga ka. Tara na balikan na natin ‘yung susi, baka mawala pa ‘yon doon,” sambit ko.

Buti na lang at walang nakadampot nito kaya natanggal namin agad ang posas.

“Kahit naman hindi ka na nakaposas sa‘kin, akin ka pa rin ‘di ba?” tanong niya.

“Ano bang klaseng tanong ‘yan, Hero? Kahit may humatak pa sa‘kin dito, sa‘yo lang ako,” sagot ko.

“Talaga? Sige nga, kung totoo, ’asan ‘yung kiss ko?” bigkas nito.

Napatingin lang naman ako sa kan‘ya dahil sa sinabi n‘ya, nang walang ano-ano‘y idinikit niya ang malambot niyang labi sa labi ko. Rinig ko ang hiyawan ng mga tao sa paligid. Sigawan ng taong walang panghuhusga. Na ang halik na pinagsasaluhan naming dalawa ay normal lang sa kanilang nga mata.

“I love you, Matt.”
“I love you too, Hero.”

—————THE END—————

Want your organization to be the top-listed Government Service in Lucena?
Click here to claim your Sponsored Listing.

Category

Website

Address

Agdangan Quezon Province
Lucena
Other Libraries in Lucena (show all)
Enverga Library Enverga Library
Enverga University, University Site
Lucena, 4301

MISSION The MSEUF University Libraries are committed to provide academic library resources and services through bibliographic support, responsive to the individual needs of the Fa...

ELS Library ELS Library
3F Don Froilan Lopez Bldg. Enverga Street Corner Granja St. Brgy. 3
Lucena, 4301

QNHS Learning Resource Center QNHS Learning Resource Center
ML Tagarao Street Ibabang Iyam
Lucena, 4301

Lead to innovate, Read to explore, and Create a reading culture community

KINO KINO
Lucena

MAKNAE

Lucena City Library Lucena City Library
Old City Hall Bldg. , M. L. Tagarao Street Brgy. 5, Lucena City
Lucena, 4301

CEFI Library CEFI Library
Maharlika Highway, Red-V
Lucena, 4301

The Ed Abcede Memorial Library (TEAM Lib) The Ed Abcede Memorial Library (TEAM Lib)
Ilang-Ilang Street, Employees Village, Brgy. Gulang Gulang (at The Back Of The Tennis Court)
Lucena, 4301

Black Page Black Page
E. Glinoga Street
Lucena

Expression of Emotion

CEFI Library CEFI Library
Red-V, Brgy. Ibabang Dupay
Lucena, 4301

In CEFI Library, We Lead you in a better future!

Quezon Provincial Library Quezon Provincial Library
Gintong Yaman Bldg. , Capitol Compound
Lucena, 4301

Outstanding Provincial Library of the Philippines 2012 and among the Top 5 Outstanding Children's Library Services in the Philippines 2013

Hobbits Hobbits
ABatan
Lucena, BENGUET

RFSC Lucena Branch RFSC Lucena Branch
Lucena City
Lucena, 4301