Malay Journal

Ang Malay ay isang multi/interdisiplinaring journal sa Araling Filipino ng Pamantasang De La Salle. Kailangang minimal ang mga dulong tala.

Ang mga papel (riserts, artikulo, rebyu) ay kailangang nakasulat sa Filipino. Sakaling nasa ibang wika, isasalin ito sa Filipino at tanging ang salin ang ilalathala. Kailangang hindi pa nailalathala o naisumite para sa konsiderasyon sa ibang publikasyon o journal ang mga papel na ipapasa para dito. Isang 200-250 salitang abstrak at limang susing salita, kapuwa nasa wikang Filipino at Ingles, ang h

03/06/2024

DR. ROMMEL A. CURAMING
Miyembro
Internasyonal na Lupon ng mga Editor

Senior Assistant Professor sa History and International Studies Programme at Deputy Dean (Graduate Studies & Research) ng Faculty of Arts and Social Sciences (FASS), Universiti Brunei Darussalam (UBD). Naging Postdoctoral Fellow sa La Trobe University at National University of Singapore (NUS). Nagtapos ng PhD in Southeast Asian Studies sa Australian National University (ANU); MA in Southeast Asian Studies sa National University of Singapore (NUS); MA in Asian Studies at Bachelor of Secondary Education sa University of the Philippines-Diliman (UPD).

Kabilang sa kaniyang mga interes sa pananaliksik ang komparatibong kasaysayan at historiograpiya ng Island Southeast Asia, politika at etika ng kasaysayang pasalita, teoryang postkolonyal at katutubong historiograpiya, at politika ng produksiyon at pagkonsumo ng kaalaman sa Indonesia, Malaysia, at Pilipinas. Nakapaglathala siya sa mga dyornal tulad ng Critical Asian Studies, South East Asia Research, Time and Society, at Philippine Studies. Ang kaniyang librong Power and Knowledge in Southeast Asia: State and Scholars in Indonesia and the Philippines ay inilathala ng Routledge noong 2020.

Larawan mula sa website ng FASS-UBD.

28/05/2024

DR. ANTONIO P. CONTRERAS
Miyembro
Internasyonal na Lupon ng mga Editor

Propesor sa School of Environmental Science and Management (SESAM), University of the Philippines-Los Baños (UPLB). Retiradong Full Professor ng Pamantasang De La Salle Maynila at dating pangulo ng Association of Faculty and Educators of DLSU Inc. Nagtapos siya ng PhD at MA in Political Science sa University of Hawaii-Manoa; at MS at BS in Forestry sa UPLB. Ang kaniyang disertasyon ay nakapokus sa aplikasyon ng genealogical analysis ni Michel Foucault sa pagsisiyasat sa ebolusyon ng diskurso sa patakarang pangkagubatan sa Pilipinas.

Bilang isang politikal na siyentista, nagpapakadalubhasa siya sa politikal na teorya at analisis. Kabilang din sa kaniyang mga interes ang pagsusuri sa politika ng pang-araw-araw na buhay at tumutuon sa kulturang popular, midya, at politikal na komunikasyon habang ipinagpapatuloy ang kaniyang mga pananaliksik tungkol sa kapaligiran. Sa SESAM, nakatuon ang kaniyang pagtuturo, pananaliksik, at gawaing pang-ekstensiyon sa seguridad pangkapaligiran at diplomasya.

Bukod sa paglalathala sa mga akademikong dyornal, isa rin siyang vlogger. Ang kaniyang vlog na ay naglalayong ipopularisa ang mga paksa sa agham pampolitika. Nagsusulat din siya sa kolum na “On the Contrary” sa The Manila Times. Siya ay napapanood din bilang host ng segment na “Punto de Vista” sa pang-umagang programa sa PTV-4 na “Rise and Shine Pilipinas.” Isa rin siyang malikhaing manunulat. Nakatakdang ilathala ang kaniyang unang nobelang pinamagatang Women of the Lake.

Larawan mula sa website ng SESAM-UPLB.

27/02/2024

Itinuturing ang mga librong pambata bilang daluyan ng politikal na pagkamulat at sosyalisasyon ng kabataan tungo sa isang edukasyong pansibika. Ibig sabihin, maaaring itampok ang mga politikal na tema sa mga kuwentong pambata. Mahalagang maipaalala ng mga manunulat sa kabataan ang halaga ng liberal na demokrasya sa pamamagitan ng panitikan. Natagpuan na masyadong manipis ang mga pag-aaral tungkol sa mga aklat pambata na pumapaksa sa kasaysayan ng Batas Militar noong dekada ’70. Nais buksan ng pag-aaral ang pagsusuri sa kuwento at ilustrasyon ng apat na kuwentong pambata na inilimbag mula 2000 hanggang 2018 na pumapaksa sa Batas Militar. Gamit ang masinop na pagbasa sa pamamaraan ng ideolohikal na kritisismo sa mga kuwento at koda sa ilustrasyon ng mga kuwentong pambata, inalam sa panimulang sarbey na ito kung ano ang representasyon ng mga bata, mga martir, mga aktibista, at mga elemento ng estado at kung bumabalikwas ba ang mga kuwento sa nakasanayan o inuulit lamang nito ang mga mito ng Batas Militar. Natukoy ang matinding pagkiling ng mga kuwento sa liberal na demokrasya. Gayundin, nadiskubre na may dalawang uri ng representasyon ng mga bata, ang pasibong naghihintay ng EDSA at ang batang aktibong nakikilahok sa kilusang makabayan laban sa diktadurya.

Basahin ang buong artikulo rito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-36-1/malay-6/
Basahin ang iba pang natatanging lathalain ng Disyembre 2023 isyu ng Malay Journal dito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-36-1/

26/02/2024

Laging nakaugnay ang pagtingin sa Navotas bilang pangunahing bagsakan ng isda sa Pilipinas dahil dito matatagpuan ang pinakamalaking daungan sa bansa na tinatawag na Navotas Fish Port Complex o NFPC. Tunay nga na nakatulong ang pagiging tabing-dagat ng Navotas kaya nakapagbigay ang NFPC ng malaking trabaho sa loob at labas ng lungsod na may kinalaman sa bentahan o paggawa ng produktong isda. Hangad sa papel na ito na makita ang mga proseso ng bentahan ng isda sa limang Market Halls ng NFPC. Ginamit ang teoryang socio-economic geography bilang pangunahing batayan ng pagsusuri ng bentahan ng isda mula sa pagbaba ng isda sa tiyak na puwesto hanggang maibenta ito sa mga mamimili. Binuo ang pag-aaral na ito batay sa tatlong layunin. (1) Ang sakop ng lokasyon ng Navotas Fish Port Complex, (2) ang proseso ng bentahan sa tiyak na Market Halls gamit ang socio-economic geography, (3) ang mga hakbangin ng Navotas upang paunlarin ang Navotas Fish Port Complex. Sa kabuuan, naipakita na malawak ang lokasyon ng NFPC ngunit mayroong tiyak lamang na lugar ng bentahan sa Market Halls na mayroong magkakaibang paraan ang bawat pamilihan gamit ang kanilang estilo, kabihasaan, at pakikipagpalagayang-loob. Hangad sa huli na patuloy na yumabong ang bentahan dahil sa kasalukuyang rehabilitasyon na magpapaigting ng silbi ng Navotas Fish Port Complex.

Basahin ang buong artikulo rito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-36-1/malay-5/
Basahin ang iba pang natatanging lathalain ng Disyembre 2023 isyu ng Malay Journal dito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-36-1/

25/02/2024

Sa lipunang may pagtangi sa mga Overseas Filipino Worker bilang “Bagong Bayani,” marami ang umaasang magtatagumpay sila sa kanilang pakikipagsapalaran sa ibang bansa. Sa usapin ng kapakanan ng mga nagsiuwiang OFW, malimit matuon ang diskusyon sa mga salik na pang-indibidwal—sa kaalaman nila sa pagpaplanong pampinansiya, sa kakayahan nilang magdesisyon, at kakayahang dumiskarte kapag hindi natutupad ang mga inaasahan. Mahalaga rin ang ideya ng matagumpay na pagtanda, na tinitingnan ang katandaan bilang panahon ng patuloy na mabuting kalusugan at pakikilahok sa lipunan. Sa papel na ito, ibig kong bigyang pansin ang mga diskursong ginagamit ng mga nakatatandang babae na dating OFW upang ipaliwanag ang kanilang kalagayan. Gamit ang post-estrukturalismo bilang lapit sa wika sa thematic analysis ng pakikipagkuwentuhan sa siyam na nag-“for good” na OFW, nais kong ihain na mahalagang alternatibo ang paggamit ng malas at suwerte bilang paliwanag laban sa dominanteng diskurso ng indibidwal na responsabilidad para sa pansariling tagumpay. Nagbibigay sa mga kalahok ng kritikal na paningin sa diskurso ng indibidwal na responsabilidad na nakapaloob sa mga ideya ng Bagong Bayani at matagumpay na pagtanda ang pagkakaroon ng personal na karanasan ng kakitiran ng mga oportunidad at ng kabigatan ng mga panlipunang ekspektasyon. Subalit, kapaki-pakinabang man ang diskurso ng suwerte upang manatili ang positibong pagtingin sa sarili ng indibidwal sa kabila ng kabiguan, nananatiling matatag ang diskurso ng indibidwal na responsabilidad dahil hindi naipapasok sa diskurso ang malaking papel ng panlipunang mga salik at mga sistemang pang-ekonomiko at politikal na kinasasapian ng mga indibidwal.

Basahin ang buong artikulo rito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-36-1/malay-4/
Basahin ang iba pang natatanging lathalain ng Disyembre 2023 isyu ng Malay Journal dito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-36-1/

24/02/2024

Tinunton ng pag-aaral ang pagsisimula ng paggamit sa larawan ng Mutya ng Pasig—kung paano ito binigyang kahulugan at ang nosyong nakapaligid dito. Ipinalalagay ng pag-aaral na ginamit ng lokal na elite, gobyerno, at mga organisasyong sibiko ang imahen ng Mutya ng Pasig sa konteksto ng produksiyon ng pagkakakilanlan nito. Ang paggamit ng nasabing imahen ay nakakandili at pinagtibay ng politika at ng ideolohikal na ugnayan ng sining at panlipunang dominasyon. Ito ang sinasabing pagsusuri sa hegemonya sa lipunan.

Sa tulong ng masigasig na pangangalap ng mga primarya at sekondaryang batis mula sa mga sinupan ng kaalaman, kahit paano ay sinagot ang layunin ng pag-aaral. Sa kritikal na pagbasa, ang mga imahen ay sinuri at tinalakay gamit ang semyotikong pagsusuri ng sining. Masasabing ang produksiyon ng mutya bilang anyo ng sining ay dumaan sa pagiging inobatibo, transmedia, at translokal. Ang mga katangiang ito ay umugnay sa ambag sa larang ng aralin sa sining, sosyolohiya, at kasaysayan. Sinikap ng pag-aaral na tuparin ang pagtawid sa mga tinukoy na disiplina. Sa ganitong kalakaran ay isiniwalat na ang larawan ng mutya ay tuwirang nakaranas ng transpormasyon at modipikasyon sa pangunguna ng mga lokal na pormasyon at dominasyon. Sila ang nagtanghal sa Mutya ng Pasig bilang opisyal na logo, kultural na aktibidad, mga patimpalak sa kagandahan, at mga pagkilala.

Hindi matatawaran kung titingnan ang kasaysayan ng Pasig, makikita natin na ang mismong imahen ng Mutya ay ginamit bilang isang makapangyarihan at mabisang kasangkapang pang-ideolohiya para sa pagpapatahimik at paghahari sa kultura at lipunan ng Pasig. Sa pamamagitan ng pagkonsumo ng imahen at imahen ng Mutya naipon at tinatanggap ng mga tao ang iba’t ibang ideolohiya at kaalaman. Sa pangkalahatan, pinalalakas ng gawaing ito ang ideya na ang sining ay isang signifying practice. Ibig sabihin, ang sining ay maaaring puhunan ng mga kahulugan ng lokal o maging sa labas ng mga dominasyon upang magtrabaho para sa mga interes at politika sa loob ng lokalidad at/o kahit para sa bansa.

Basahin ang buong artikulo rito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-36-1/malay-3/
Basahin ang iba pang natatanging lathalain ng Disyembre 2023 isyu ng Malay Journal dito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-36-1/

23/02/2024

Sa pag-aaral na ito, tututukan ang naging pagbasa at paglapit ni Bayani S. Abadilla sa kaniyang amang si Alejandro G. Abadilla o AGA na tinaguriang rebeldeng manunulat sa kasaysayang pampanitikan ng Pilipinas at itinuturing na “Ama ng Modernong Panulaang Tagalog” sa ating bansa. Gamit ang akda ni B. Abadilla na may pamagat na “Ang Artista sa Dinamismo ng Sikohistorya” na nailathala noong 2003, naglalayon ang pag-aaral na ito na muling usisain ang ako at ang daigdig sa tulang “Ako ang Daigdig” ni AGA at muling sipatin ang kaakuhan ng rebeldeng makata na minsan nang pinagdudahan ng marami dahil tila mapang-angkin daw at nagtataglay lamang ng pilosopiyang pansarili, hindi panlipunan.

Basahin ang buong artikulo rito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-36-1/malay-2/
Basahin ang iba pang natatanging lathalain ng Disyembre 2023 isyu ng Malay Journal dito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-36-1/

22/02/2024

Si Clodualdo del Mundo, Sr. (1911–1977) ay naging tanyag bilang manunulat para sa iba’t ibang plataporma sa loob ng mahigit apat na dekada—mula 1929 hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1977. Bilang isa sa tinaguriang “tatlong hari” noong gintong panahon ng Pilipino Komiks, ilan sa mga sinulat ni del Mundo ang Prinsipe Amante, Malvarosa, at Magnong Mandurukot. Nakatuon ang papel na ito sa isang aspekto ng karera ni del Mundo na hindi gaanong nabibigyang pansin: ang kaniyang pagiging manunuri at komentarista. Ang kaniyang mga naisulat na panunuring pampanitikan at artikulo ukol sa kulturang popular ay nalathala sa kaniyang mga kolum na pinamagatang “Ang Tao sa Parolang Ginto” at “Ang Sining ng Bansa” pati na sa kaniyang aklat na Mula sa Parolang Ginto na lumabas noong 1969.

Tinalakay naman niya ang mga sosyo-politikal na isyu bilang komentarista sa radyo noong dekada ’40 at ’50 at bilang manunulat ng editoryal para sa Liwayway noong dekada ’60. Karamihan ng mga artikulong tinalakay sa pananaliksik na ito ay kasama sa Clodualdo del Mundo, Sr. Collection na ibinahagi ng pamilya del Mundo sa Pamantasang De La Salle–Maynila noong 2012 bilang bahagi ng pagdiriwang ng sentenaryo ng kapanganakan ng namayapang manunulat. Sa kasalukuyan, ang mga nasabing materyal ay nasa archives section ng aklatan ng DLSU Manila. Sa pananaliksik na ito, ang mga akda ni del Mundo ay naorganisa sa tatlong tema: mga komento sa kulturang popular, sa panitikan, at sa mga sosyo-politikal na isyu. Nagsagawa rin ng karagdagang pananaliksik para mapatibay ang kontekstong pangkasaysayan ng mga akda ni del Mundo.

Lumalabas sa pag-aaral na ito na nagamit ni del Mundo ang kaniyang papel bilang isang pampublikong intelektuwal at kritiko ng panitikan at kulturang popular upang ibahagi ang kaniyang mga pananaw tungkol sa iba’t ibang sosyo-politikal na isyu noong siya’y nabubuhay pa. Nagamit din niya ang nasabing pedestal upang isulong ang kaniyang mga adbokasiya gaya ng pag-aangat o pagtataguyod sa wikang pambansa at pagpapataas sa pamantayan ng kulturang popular sa bansa. Sa maraming konteksto, masasabing ang mga perspektiba ni del Mundo sa mga isyu ay may halaga pa rin hanggang sa kasalukuyan.

Basahin ang buong artikulo rito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-36-1/malay-1/
Basahin ang iba pang natatanging lathalain ng Disyembre 2023 isyu ng Malay Journal dito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-36-1/

20/02/2024

DR. ARTHUR P. CASANOVA
Miyembro
Internasyonal na Lupon ng mga Editor

Kasalukuyang Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Nagtapos ng B.S.E. major in Chemistry, minor in Physics and Mathematics at B.S.E. medyor sa Pilipino, cm laude, bilang iskolar ng National Science Development Board sa Mindanao State University, Marawi. Nagtapos ng apat na diplomang panggradwado sa Philippine Normal University (PNU): M.A.T. in Filipino Linguistics, M.A. in Filipino Linguistics, M.A.T. in Drama Education and Theater Arts, at PhD in Filipino Linguistics and Literature.

Nagturo ng International Baccalaureate Filipino at Theater Arts sa Brent International School Manila; Advanced Filipino Abroad Program sa PNU, UP Los Baños, at De La Salle University (DLSU); Filipino for Foreigners sa Arizona State University bilang Fulbright Fellow at sa University of Wisconsin-Madison; mga gradwadong kurso sa Linggwistika sa DLSU at PNU; at Filipino sa Miriam College, De La Salle - College of St. Benilde, at Unibersidad ng Santo Tomas. Direktor ng mahigit limampung (50) dulang pantanghalan.

Nagsulat at naglathala ng mahigit apatnapung (40) dulang may isang yugto at mga dulang ganap ang haba, mga dulang pambata sa estilong Kambayoka, at mahigit apatnapung (40) aklat na koleksiyon ng mga dulang pambata, mga teksbuk sa Filipino, mga aklat hinggil sa kasaysayan ng dulaang Pilipino at kasaysayan ng dulaang pambata at tinedyer, at diksiyonaryo sa drama at teatro.

Tatlong beses na nagwagi ng Best Book Award sa National Book Award ng Manila Critics Circle at National Book Development Board. Ginawaran ng Metrobank Foundation Outstanding Teacher (1999) at ng Metrobank Award for Continuing Excellence and Service (2009).

08/02/2024

DR. AURORA E. BATNAG
Miyembro
Internasyonal na Lupon ng mga Editor

Nagretirong Direktor III sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Nagtapos siya ng PhD in Linguistics with specialization in Filipino Linguistics and Literature sa Philippine Normal University-Manila at ng Advanced Certificate Course in Translation sa Regional Language Centre, Singapore. Premyadong manunulat ng maikling kuwentong pambata; awtor/ko-awtor/ko-editor/konsultant ng mga teksbuk sa elementarya at hayskul at mga aklat sa pagsasalin. Nagturo siya ng mga kursong gradwado sa University of the East-Manila, PNU-Manila, at De La Salle University-Manila. Dating pangulo ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF). Kasalukuyang miyembro ng Executive Committee, Komite sa Wika at Salin ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA); konsultant ng Propesyonal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS); at ng DLSU Sentro sa Pagsasalin, Intelektuwalisasyon, at Adbokasiya (DLSU SALITA). Tumanggap ng Dangal ng Wika 2020 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Gawad SWF Pinakapopular na Lathala sa Aklatang Bayan Online para sa “Si Alice sa Daigdig ng Hiwaga (salin ng “Alice in Wonderland” ni Lewis Carroll), UP Diliman Sentro ng Wikang Filipino, Agosto 2023.

11/10/2023

Sa panahon ng pag-igting ng ipinatupad na lockdown noong Abril 2020, naglunsad ng patimpalak at adbokasiya ang Foundation AWIT (Advanced Wellness, Instruction, and Talents, Inc.) at Rappler na naglalayong maitala ang mga kuwento ng danas sa pandemya gamit partikular ang anyo na dagli na limitado lamang sa labing-siyam (19) na salita. Ang ikli na itinatakda rito ay nakaugat sa konteksto ng krisis sa pademya, at maging sa pag-usbong at pagiging popular ng dagli sa espasyo ng pahayagan at gayundin sa ekonomiya ng salita bunsod ng pagtitipid sa panahon, limitasyon sa espasyo at mambabasang laging nagmamadali. Batay sa panuntunan sa paglahok, bukod sa bubuuin ng 19 na salita lamang ang akda, kailangang i-post ito sa Facebook sa buong buwan ng Abril 2020 gamit ang . Sa ganitong konteksto, nilayon ng papel na makilatis ang naratibo ng lockdown at politika ng sandali sa anyo ng sa Facebook. Gamit ang theory of moment ni Henri Lefevbre, tinangkang maitanghal ang kapasidad ng social media bilang espasyo ng politikal na sandali na mababakas sa anyo ng panitikan na nagsisilbing ahensiya sa pagtatala ng kolektibong danas, at sityo ng politikal na diskurso sa panahon ng krisis. Para masipat ang ekonomiya ng salita at madiskurso ang sandali, ginamit ang web-based tool na Voyant-tools para magkaroon ng pangkalahatang tanaw sa pili at dalas ng mga salitang ginamit sa mga dagli. Binibigyang diin sa papel ang mahigpit na ugnayan ng sandali at dagli kaugnay partikular sa paghabi ng naratibo ng lockdown sa social media.

Basahin ang buong artikulo rito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/malay-7/
Basahin ang iba pang natatanging lathalain ng Hunyo 2023 isyu ng Malay Journal dito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/

09/10/2023

Pangunahing layunin ng pananaliksik ang makabuo ng kompendiyo ng mga e-pabula gamit ang mga piling orihinal na kaalamang bayan sa rehiyon ng Caraga bilang mga kagamitang awdyo-biswal sa pagtuturo sa ikapitong baitang. Ito ay deskriptibo-debelopmental na pag-aaral na ang mga nalikhang mga e-pabula, alinsunod sa teoryang Cognitive Theory of Multimedia Learning ni Richard E. Mayer at Cognitive Load Theory ni John Sweller , ay isinalang sa balidasyon at aktuwal na paggamit ng mga ito sa pagtuturo sa mga piling mag-aaral. Natuklasan na akma ang disenyo at epektibong kagamitang pampagtuturo ang mga nabuong e-pabula matapos itong sang-ayunan ng anim na ebalweytor. Ang pagsang-ayon ng limang g**ong tagamasid sa mga mag-aaral ng ikapitong baitang na kalahok sa ginawang pilot na paggamit ng mga e-pabula at ang naging performans ng mga kalahok sa pagtataya ay nagpapatunay na mabisang awdyo-biswal at epektibo ang sampung e-pabula bilang kagamitang pampagtuturo sa ikapitong baitang. Ang paggamit ng mga nabuong kompendiyo ng mga e-pabula ay inirerekomendang gamitin ng mga g**o bilang suplemento sa kanilang pagtuturo sa ikapitong baitang sa paglinang sa mga araling pangwika at pampanitikan.

Basahin ang buong artikulo rito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/malay-6/
Basahin ang iba pang natatanging lathalain ng Hunyo 2023 isyu ng Malay Journal dito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/

07/10/2023

Ang Lungsod ng Tuguegarao sa Cagayan ay maituturing na isang multikultural at multietnikong lugar na namamayani ang mga etnolingguwistikong pangkat ng mga Ilocano, Itawes, at Ibanag. Sa tulong ng metodolohiya nina Katz at Braly na nilapatan ng modipikasyon nina Mendoza et al., napagtagumpayan ng pananaliksik na ito ang mga sumusunod na layunin: 1) nalaman ang 12 pangunahing katangiang estereotipo ng etnolingguwistikong pangkat, 2) nakalkula ang uniformity indeces ng bawat etnolingguwistikong pangkat, 3) nalaman ang pagkapositibo/pagkanegatibo indices ng mga etnolingguwistikong pangkat 4) napaghambing ang 12 pangunahing mga katangiang estereotipo ng etnolingguwistikong pangkat, 5) napaghambing ang uniformity indices at, 6) napaghambing ang pagkapositibo/pagkanegatibo ng mga etnolingguwistikong pangkat. Napagalaman na ang mga nangungunang etnikong estereotipo sa mga Ilocano ay kuripot, masarap magluto ng pinakbet, mabait, madasalin, masipag, maunawain, matapang, mataray, disiplinado, matulungin, may bayanihan, madaldal, at madiskarte. Sa mga Itawes ay masipag, mabait, madasalin, masunurin, naniniwala sa mga santo, mapagmahal, matatag, disiplinado, maaasahan, malapit sa pamilya, maparaan, maunawain. Samantalang sa mga Ibanag ay gumagawa ng mga salawikain (unoni) at mga bugtong (palavvun), madasalin, mapamahiin, delikadesa, naniniwala sa tradisyon at kultura, may bayanihan, matulungin, mabait, matiyaga, magalang, mapagmahal, at masipag. Napag-alaman ding parehong mayroong dalawang bilang ng mga magkakahalintulad na katangian ang mga Ilocano at Itawes, at Ilocano at Ibanag. Ang tatlong etnolingguwistikong pangkat ay mayroong tatlong magkakahalintulad na katangian, ang pagiging madasalin, mabait, at masipag. Batay sa uniformity indeces ng tatlong etnolingguwistikong pangkat, lumalabas na sa mga Ilocano ang mayroong pinakamalinaw na pagkasangayon at sa mga Itawes naman ang mayroong pinakamalabong pagkasang-ayon.

Basahin ang buong artikulo rito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/malay-5/
Basahin ang iba pang natatanging lathalain ng Hunyo 2023 isyu ng Malay Journal dito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/

06/10/2023

Layunin ng pag-aaral na (1) masuri kung paano nagiging lakas ang angas para sa mga kabataang babae, (2) mailatag ang mga kuwento ng angas bilang lakas ng mga kabataang babae, at (3) matukoy ang kalimitang isyu/suliranin, at hamon ng mga kabataang babae gayundin kung paano nila ito hinaharap. Ang mga kalahok sa pag-aaral ay nasa edad 18 hanggang 20 taong gulang mula sa Mataas na Paaralang Pambansa ng Muntinlupa (Senior High School). Gamit ang pakikipagkuwentuhan bilang metodo ng pananaliksik (Pe-Pua 1982), sinuri ang mga binalikang alaala ng naging danas ng kabataang babae, pinagnilayan ang mga isyu/suliranin, hamon, at solusyon nila sa mga ito, at dinalumat ang angas nilang taglay batay sa kani-kanilang mga kuwento hanggang sa kung paano nila ito nagiging lakas. Lumitaw sa konteksto ng mga kuwento ang pagpapakahulugan ng mga kabataang babae sa angas bilang pagtingin sa kanilang sarili, sa kapuwa, o sa buhay na naipahahayag sa iba’t ibang pamamaraan bilang pagtugon nila sa kani-kanilang mga isyu at suliranin, at hamon sa mga sitwasyong pinagdaraanan. Ang kanilang angas sa kabuuan ay ang lakas at tapang nilang harapin, pasanin, o tanggapin ang mga sitwasyong hindi nila kayang kontrolin.

Basahin ang buong artikulo rito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/malay-4/
Basahin ang iba pang natatanging lathalain ng Hunyo 2023 isyu ng Malay Journal dito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/

05/10/2023

Tinatalakay sa papel ang katutubong kaisipan na kalakaran at ang karaniwan at ang araw-araw na buhay-Pilipino na malay siya sa kapuwa, sa kilos ng kaniyang katawan-katauhan para sa kapakanang pansarili’t panlipunan. Kalakaran ang taguri sa umiiral sa mga pook ng paggawa, pagawaan, maging sa mga pamilihan, pagamutan, palingkuran (serbisyo), kawanihan (opisina), at sa mga sangay at tanggapan ng mga pamahalaan. Sinipat sa saliksik sa sikolinguwistika, ang mga salitang kinakasangkapan ng kaisipan sa pagbubuo ng pansariling karanasan (indigenous) na buhat sa galaw, gawa’t gawi sa lipunang Pilipino. Itong katawan na siya rin nating katauhan, ay sadyang parati’y umaaksiyon tungo sa pagpapayaman ng pagkatao. Samakatwid, ang galaw, gawa’t gawi natin, kung nasa kalipunan tayo ng mga tao (human behavior in organization) na kapuwa natin, ay nagpapakatao sa pakikipag-ugnayan sa kawangis nito sa pagkatao at karangalan. Siniyasat pa sa semantika ang ugat ng ugnayan ng sarili sa sosyedad bilang siyang nasa malay na buhay sa araw-araw. Katibayan ng mga katagang gamit upang tukuyin, na ang kagyat na kilos ng katawan ay katauhang may kapuwa. Itong tinutukoy na kalakaran—ang karaniwan at araw-araw ay umiinog sa unawa o weltanschauung ng Pilipino. Ang mga salita para sa galaw ng katawan tulad ng tulak, lakad, takbo, o lingkod maging ng gawa nito gaya ng pag -pasok, -uwi, daan, -upo ay nagbabadya ng pakikipagkapuwatao, na isinusunod sa panahon at inaayon sa pananaw sa buhay. Ang katagang kalakaran ang sumasalamin sa kung ano ang kaniyang kinapapaloobang buhay. Ang buhay ang itinataguyod sa mga tugon (aksiyon-reaksiyon) sa pangangailangang pang-araw araw. Ito naman ang ipinakakahulugan ng kabuhayan na kaugnay ng hanapbuhay. Ang hanap-buhay ay bahagi ng depinisyon ng kalakaran dahil ito ang sa araw-araw ay gawain at gampanin. Samantala tinutukoy ang kabuhayan na siyang pangkalahatan nitong mga pagkilos para mabuhay ng may ginhawa.

Basahin ang buong artikulo rito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/malay-3/
Basahin ang iba pang natatanging lathalain ng Hunyo 2023 isyu ng Malay Journal dito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/

04/10/2023

Ang pag-aaral ay tungkol sa buhay, pag-aakda, at kultural na produksiyon ng itinuturing na Ama ng Kontemporanyong Panitikan ng Kanlurang Visayas na si Leoncio P. Deriada. Napakahalaga ng naging papel ni Deriada upang mamayagpag ang kontemporanyong panitikan ng Kanlurang Visayas lalo pa ang pagsusulat at pagpapakilala ng mga wikang Hiligaynon, Kinaray-a, at Aklanon bilang mga wika ng pambansang panitikan. Ang mga antolohiyang binuo ni Deriada ang kongkretisasyon ng konsepto niya ng panitikan ng rehiyon, o ang panitikan mula sa mga banwa ng Kanlurang Visayas, bilang panitikan ng bansa. Nais tugunan ng pag-aaral ang hamon ng kritiko at pambansang alagad ng sining na si Bienvenido Lumbera na lumikha ng talambuhay ng mga alagad ng sining ng rehiyon bilang isa sa mga gawaing magpupuno sa puwang sa pagdurugtong at pagsasanib ng panitikan ng rehiyon bilang panitikang pambansa. Kung paanong ang pag-aaral sa buhay at pag-aakda ni Deriada ay magpapatibay rin sa argumento na ang panitikan ng bansa ay marami, hindi iisa, walang sentro, dahil lahat ng rehiyon ay sentro ng panitikang pambansa. Gayundin, layunin ding ipakilala si Deriada bilang intelektuwal ng panahong post-kolonyal na nagsulong ng bernakular na panitikan ng rehiyon tungo sa isang dekolonisadong panitikan at pag-aakda para sa mga bagong henerasyon ng manunulat ng Kanlurang Visayas. Kaya naging layunin ng pag-aaral na maipakilala si Leoncio P. Deriada bilang manunulat, manggagawang pangkultura, at persona mula sa pagkakakilala ng apat na manunulat ng Kanlurang Visayas na naging malapit sa kaniya bilang anak, anak sa panulat, mga nagabayan niya sa pagmamapa ng sarili bilang mga manunulat at kritiko, at kapuwa g**o at manunulat noong siya’y nabubuhay pa. Mga manlilikhang naging kongkretong produkto ng literary engineering na ikinasa ni Deriada sa Kanlurang Visayas. Magreresulta ang pag-aaral ng isang intellectual biography na magtatanghal kay Deriada bilang isang epektibo at pangunahing tagapagtaguyod ng panitikang rehiyonal bilang panitikan ng buong bansa.

Basahin ang buong artikulo rito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/malay-2/
Basahin ang iba pang natatanging lathalain ng Hunyo 2023 isyu ng Malay Journal dito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/

03/10/2023

Sinuri ang pangunahing tema ng nobela at kabuluhan nito sa sitwasyong pampolitikang ekonomiya ng kasarian. Sa pagkakaibigan ng tatlong ina, isinadula ang ugnayang sumasalungat sa piyudal-kapitalistang ideolohiya ng reipikasyon: ang magkalakip na diyalektika ng pag-ibig, seksuwalidad, at kamatayan. Pinagsanib ang teorya ni Georges Bataille hinggil sa erotisismo at historiko-materyalismong analisis ng hidwaan ng mga uring panlipunan sa neokolonya. Sa metodong iyon, naisadula ang karanasan ng mapagpalayang diwa ng kababaihan laban sa patriyarkang dominasyon. Kongklusyon ng saliksik ng mga pangyayaring dinalumat hinggil sa tatlong babaeng nagnasang makamit ang pagkilala sa sarili at pagkakilanlan sa kanila ay mailalagom dito: dapat sipatin muna ang trayektorya ng puwersang panlipunan, ang nesesidad pangkasaysayan, na nagtatakda sa ating pagkatao. Pahiwatig ito ng banghay ng nobela: upang mailigtas ang mapanlikhang lakas ng kababaihan mula sa karupukan ng katawan, mapagsamantalang dahas ng maskulinistang kaayusan, at dominasyon ng kalakal/pribadong pag-aari/imperyalistang kapital, kailangang pasiglahin ang komunidad, ang kamalayang kritikal at mapanghimagsik, upang makalaya sa pagka-alipin sa kinagisnang subordinasyon. Ang suliranin ng kasarian ay nakabuod sa kolonisadong gawi/ paniniwala na mababago lamang sa paraan ng rebolusyonaryong praktika at kolektibong sikap ng buong sambayanan.

Basahin ang buong artikulo rito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/malay-1/
Basahin ang iba pang natatanging lathalain ng Hunyo 2023 isyu ng Malay Journal dito: https://www.dlsu.edu.ph/research/publishing-house/journals/malay/sinupan/edisyon-35-2/

Want your business to be the top-listed Media Company in Manila?
Click here to claim your Sponsored Listing.

Category

Address

2401 Taft Avenue
Manila
1010
Other Publishers in Manila (show all)
InchWorm2 InchWorm2
Caloocan City
Manila

Grupo MNL Grupo MNL
Manila, 1014

The shirts were created, to identify the "Baybayin" and some local designs that can be said to be our own. From the old-fashioned to the modern introduction to everything. When we ...

Darrel Delorseyes Darrel Delorseyes
Barangay
Manila

hacker FB

Kashiシ︎ Kashiシ︎
234 El Grande Avenue , Bf Homes
Manila

just for entertainment purposes only

Bisig Journal Bisig Journal
Polytechnic Univesity Of The
Manila, 1016

Maaaring isumite ang mga papel/artikulo sa [email protected]

𝐇𝐮𝐠𝐨𝐭 𝐧𝐢 𝐁𝐥𝐚𝐜𝐤 ᵘⁿᵒᶠᶠⁱᶜⁱᵃˡ シ︎ 𝐇𝐮𝐠𝐨𝐭 𝐧𝐢 𝐁𝐥𝐚𝐜𝐤 ᵘⁿᵒᶠᶠⁱᶜⁱᵃˡ シ︎
Manila

"Ang problema hindi nawawala andyan lang yan. pero ang buhay natin ay iisa lang, kaya lagi mong pili

BlackGaming BlackGaming
Manila, 1900

@MobileLegends fb.com/stars

Suportahi Lokal.ph Suportahi Lokal.ph
Manila Ph. From Kalinga, Apayao
Manila, 4009

Tangkilikin Ang sariling Atin. ����

Banyuhay Repub. Banyuhay Repub.
Manila

Group of GenZs and their trips to Morayta.

PUP JPIA Link PUP JPIA Link
Anonas Street Sta Mesa
Manila, 1008

The Official Student Publication of the PUP Junior Philippine Institute of Accountants Manila

Etlux OC Publishing Inc. Etlux OC Publishing Inc.
Manila

Publishing company based in Manila, Philippines, and established in the year 2022

Zirgwe Zirgwe
Manila

Simula