Ministry of Altar Servers - San Isidro Labrador Parish Tagbac
Contact information, map and directions, contact form, opening hours, services, ratings, photos, videos and announcements from Ministry of Altar Servers - San Isidro Labrador Parish Tagbac, Religious organisation, .
June 26, 2022
Just for fun!!
UNLAD FOR THE DAY
(Unahin Natin Lagi Ang Diyos)
A. SIMPLENG PAGSASADIWA
(Lucas 14:1, 7-11)
LOOB #
"Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”(Lucas 14:11)
Isang mapagpalang araw ng Sabado po mga Ka-unlad. Ang ating simpleng katanungan para sa ating pagsasadiwa ngayong araw na ito ay "KAYA MO BANG MAGKAROON NG MABABA ANG LOOB KAGAYA NI KRISTO?"
Mga Ka-unlad, si Bryan ay bagong graduate ng Master Theology. Sa kanilang batch, siya ang pinakamatalino. Kaya marami sa kanyang mga kabacth na nagtatanong kapag mayroon silang paksa na hindi nila masyadong maiintidihan. Yun lang dahil sa sobrang talino niya, nilalait at minamaliit niya ang kanyang mga kabatch na mahina at minsan wala rin galang sa kanyang mga professors. Minsan sa group discussion, ipinagmalaki niya ang kanyang katalinuhan at sinabi niya; "Itanong ninyo sa akin ang lahat ng bagay tungkol sa Theology na hindi pa ninyo naintindihan. Sasagutin kong lahat at ipapaliwanag ko sa inyo." At nagtaas ng kamay si Gerald, isa sa mga myembro ng group discussion. Ang tanong niya; "Ayon po sa binasa natin sa ebanghelyo, minsan gumawa si Hesus ng himala ng pagpaparami ng tinapay at nagpakain siya ng limanglibong katao at hindi pa kasama ang mga babae at mga bata. Ano po ang pangalan ng limanglibong katao na pinakain ni Hesus sa ebanghelyo?". Nagulat si Bryan at hindi nakasagot. Hinihintay ni Gerald at ng kanyang mga kasama ang kanyang sagot pero wala siyang isagot. Kaya umalis na lang si Gerald at hindi na bumalik sa group discussion.
Mga Ka-unlad, kahit gaano ka man katalino, kung masyado kang mayabang babagsak at babagsak ka rin sa bandang huli. Ang mga taong mayabang ay hindi kalugud-lugod sa mata ng Diyos. Binigyan ka ng Diyos ng katalinuhan at kakayahan hindi upang ipagmayabang sa kapwa mo kundi upang turuan ang kapwa na wala masyadong alam sa paligid mo. Ang karunungan at katalinuhan natin bilang tao ay may hangganan din, kaya matuto tayo na magkaroon ng mababang loob sa ating kapwa sa paligid. Sabi nga ni Santa Teresa ng Calcutta; “Kung ikaw ay mababa ang loob, wala nang makakaapekto sa iyo.” O sa wikang Ingles ay “If you are humble, nothing can touch you”. Sa ating ebanghelyong narinig, tinuturuan tayo ni Hesus kung paano maging mababa ang loob. "Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”(Lucas 14:11) Ang kababaang loob na itinuturo Niya ay hindi lang sa salita kundi pati sa gawa. Kailangan munang asamin natin ang mababang pwesto na galing sa mababang loob. Kailangan natin itong gustuhin at ayon sa kalooban natin ang papuri. Sapagkat kung baliktad ang ating ugali at mahal natin ang papuri, at ayaw natin ng ‘di napapansin at pagpapakababa, darating ang oras na maaalis tayo sa tila ‘di nakikitang mataas na trono kung saan natin inilagay ang ating sarili. Sapagkat ang pagmamataas ay malayo sa katotohanan.
Ang HAMON sa atin bilang mga binibinyagang Katoliko ay maging mababa ang ating loob tulad ni Hesus at hilingin natin ito sa Panginoon upang ipakita Niya sa atin ang daan ng katotohanan. Huwag po tayo maging mayabang kung matalino ka o mayaman ka dahil darating ang panahon na babawiin sa iyo kung hindi mo ito gagamitin ng tama. Kung maging mababa ang loob natin gaya ng Panginoon, Siya mismo ang mag-aangat sa atin sa takdang panahon. Amen
B. PANALANGIN SA SALITA NG DIYOS
Ama naming Mapagmahal, maraming-maraming salamat po sa Iyong patuloy na pagtuturo sa amin upang maging mababang loob. Tanggalin Mo ang lahat sa aming puso na nagdudulot ng labis na pagmamataas. Nawa'y gawin Mo kaming tulad Mo nang kami’y mas makapagmahal pa ng aming kapwa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo aming Panginoon. AMEN
÷UNAWAIN, IBAHAGI & ISABUHAY!!÷
*In principio Errat Verbum*
San Isidro Labrador Parish Tagbac, Oktobre 30, 2021
Salamat po sa Inyong lahat #
Daily PAYO ni Fradzsvd
(303/365)
-Walang sinuman sa atin ang maaaring magmataas dahil tayong lahat ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos-
*Take note! Read, Reflect & Share!!*
UNLAD FOR THE DAY
(Unahin Natin Lagi Ang Diyos)
A. SIMPLENG PAGSASADIWA
(Lucas 14:1-6)
#
"Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?”(Lucas 14:3)
Isang mapagpalang araw ng Biyernes po mga Ka-unlad. Isang simpleng katanungan para sa ating pagsasadiwa ngayong araw na ito ay "MAY GINAGAWA KA RIN BA SA ARAW NG PAMAMAHINGA?"
Mga Ka-unlad, ang pamilya ni Rodel ay may maraming alagang kalabaw. Araw-araw gumising siya ng maaga upang pakainin ang mga kalabaw at dalhin sila sa maraming damo upang pakainin. Basta inalagaan niya ito ng mabuti para hindi sila magutom at pumayat. At nagiging masaya siya dahil sa pagbebenta ng mga kalabaw kaya nakapagpaaral siya ng kanyang mga anak. Isang araw ng sabado, may lakad si Rodel at inihabilin niya sa kanyang mga anak na pakainin ang mga kalabaw. Umoo naman ang kanyang mga anak sa kanyang bilin. Kinabukasan araw ng Linggo, may ilan sa kanyang mga anak na magsisimba sa umaga at ang iba naman ay natutulog pa. At paggaling sa pagsisimba, diretso na sila sa soccer field at volleyball ball para maglaro. At wala ni isa sa kanila ang nakapagisip na puntahan ang kanilang mga alagang kalabaw upang pakainin ito. Kaya nagutom ang kanilang alagang hayop maghapon. Galit na galit si Rodel pagdating niya ng bahay. Ang katuwiran ng kanyang mga anak ay araw naman ng Linggo kaya araw din ng pamamahinga. Sabi ni Rodel, "mga anak, kung hindi dahil sa pagbebenta natin ng mga alagang kalabaw ay hindi ko kayo kayang paaralin. Wala talaga kayong awa sa ating mga alagang hayop. Kung namatay silang lahat, paano ko kayo papaaralin?" Lahat sila ay tahimik dahil alam nila na mali sila.
Mga Ka-unlad, ang paggawa ng mabuti ay walang pinipiling araw at oras. Mga tao man o hayop ay kailangan nating mahalin at alagaan. Huwag nating gawing dahilan ang mga batas sa lipunan upang hindi tayo gumawa ng mabuti sa kapwa. Anong pakiramdam mo kung ikaw ay naaksidente sa araw ng Linggo at walang taong pumapansin sa iyo? Hindi ka ba masasaktan, magtatampo o magagalit? Ang mga Pariseo at Eskriba ay ang mga taong madasalin, feeling banal at maraming alam tungkol sa batas pero walang awa sa mga taong nahihirapan sa kanilang kumunidad. Kaya diretsohang tinanong sila ni Hesus: "Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?” (Lucas 14:3) Hindi naman plano ni Hesus na ipahiya sila kundi itama ang maling paniniwala. Nais ni Hesus na buksan ang kanilang puso at isipan sa katotohanang ito ngunit sa huli ay tahimik nila itong itinanggi. Mas minamahal at pinapahalagahan kasi nila ang batas kaysa sa pagpapadama ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kanilang kapwang maysakit. Nagkasala raw si Hesus sa mata nila dahil nagpagaling si Hesus ng mga maysakit sa araw ng pamamahinga. Hinuhusgahan nila ang bawat kabutihan na ginagawa ni Hesus. Kahit anong gawing mabuti ng ating Panginoon ay nagiging masama parin sa mata nila. Tayo rin, kahit gaano tayo kabuti, mayroon at mayroong masasabi ang ibang tao sa atin. Dapat ba tayong makinig? Patuloy lang tayo gumawa ng mabuti. Huwag papasukin ang negatibo sa ating puso. Mahalaga na alam nating tama at mabuti ang ating ginagawa.
Ang HAMON sa atin bilang mga binibinyagang Katoliko ay punuin natin ng paggawa ng mabuti ang araw-araw nating pamumuhay. Ipagpatuloy natin ang paggawa ng mabuti kahit marami ang naiinggit at naninira sa iyo. Iwasang manghusga ng kapwa upang tayo ay hindi rin mahusgahan at alalahanin natin na ang Diyos ay nananahan sa bawat isa. Kung tayo ay magiging marunong umunawa, tayo rin ay pagbibigyan at uunawain ng Panginoon. AMEN
B. PANALANGIN SA SALITA NG DIYOS
Ama naming Mapagmahal, maraming-maraming salamat po sa Iyong patuloy na pagkakaloob ng mga biyaya sa amin araw-araw. Turuan Mo kami upang manatiling mabuting tao sa kapwa sa kabila ng mga samu't saring pamimintas at paghuhusga sa aming mga ginagawang kabutihan araw-araw. Nawa'y matuto kaming tumingin sa aming sariling pagkakamali at magsikap na baguhin ang aming pakikitungo sa aming kapwa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo aming Panginoon. AMEN
÷UNAWAIN, IBAHAGI & ISABUHAY!!÷
*In principio Errat Verbum*
San Isidro Labrador Parish Tagbac, Oktobre 29, 2021
Salamat po sa Inyong lahat #
Daily PAYO ni Fradzsvd
(302/365)
-Kung tama ka, manindigan ka. Pero kung mali ka, aminin mo ang pagkakamali mo!-
*Take note! Read, Reflect & Share!!*
Daily PAYO ni Fradzsvd
(301/365)
-Maging buhay na Bibliya nawa tayo na maaaring basahin ng iba-
*Take note! Read, Reflect & Share!!*
UNLAD FOR THE DAY
(Unahin Natin Lagi Ang Diyos)
A. SIMPLENG PAGSASADIWA
(Lucas 13:22-30)
#
“Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindil makakapasok."(Lucas 13:24)
Isang mapagpalang araw ng Miyerkules po mga Ka-unlad. Ang ating simpleng katanungan para sa ating pagsasadiwa ngayong araw na ito ay "NAIS MO BANG MAKALUSOT SA MAKIPOT NA PINTUAN?
Mga Ka-unlad, si Faith ay katatapos lang ng kanyang pag-aaral sa kolehiyo at inuutusan siya ng kanyang Ama na mag-apply agad ng trabaho sa opisina na pinagtatrabahuhan niya. Best friend kasi ng kanyang tatay, ang manager, kaya madali lang para sa kanya na sabihan ang manager para tanggapin agad ang kanyang anak na magtrabaho sa kanilang opisina. Ayaw ng kanyang anak na magapply doon dahil iba naman ang kanyang kurso. Pero sabi ng kanyang Ama "okey lang yan anak walang problema. Importante may trabaho ka. Kaibigan ko yung manager at sigurado na tatangapin ka niya kaagad." At tama nga tinanggap siya na walang kahirap-hirap na maghintay ng matagal. Nagulat ang mga kabatch ni Faith dahil may trabaho na siya kaagad samantala marami ang nagapply doon sa pinagtatrabahuhan ng kanyang Ama pero wala ni isa sa kanila ang tinanggap. Kaya sabi ng mga katrabaho ng kanyang Ama, "Palakasan lang yan kahit hindi naman yan yong kurso ng kanyang anak! Unfair talaga! Yung hindi ayon sa kurso ay tinanggap, samantala yung mga nagapply ayon sa kurso ay tinanggihan! Sana all, best friend!"
Mga Ka-unlad, diba marami sa atin na umiiwas na dumaan sa daan ng paghihirap o mga pagsubok sa buhay. Kaya gagawa tayo ng paraan kahit maruming pamaraan pa ito para lamang makapasok at makamit natin ang ating mga pangarap. Ang Ama ni Faith ay gumawa ng hindi magandang pamamaraan para magkaroon ng trabaho ang kanyang anak. Tagumpay man sila sa pagharap sa mga pagsubok sa mundo pero hindi sila makakalusot sa pagdaan sa makipot na pintuan papuntang langit. Madali man ang dumaan o pumasok sa maluwang na pintuan ngunit kapahamakan naman ang kahahantungan nito. Totoong hindi madali ang pumasok sa makitid na pintuan ngunit kung pagsusumikapan, hahantong naman ito sa buhay na ipinangako ng Diyos sa atin. Noong tinanong ng isang tao si Hesus kung kakaunti lang ba ang maliligtas? Ang sagot ni Hesus ay “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok."(Lucas 13:24) Ang daan patungong langit ay hindi madali. Para tayo ay maligtas, kailangan nating gumawa ng mabuti mula sa pagmamahal. At ang paggawa ng mabuti ay kailangan ng sakripisyo. Ito ang ating makitid na pintuan.
Ang HAMON sa atin bilang mga binibinyagang Katoliko ay pagsikapan nating isabuhay ang ating pananampalataya at tuparin ang ating obligasyon bilang Katoliko. Ang mga ito ang magiging hagdanan natin patungong langit. Sa langit kung saan walang hanggan ang ligaya at hindi na kailangang pagtrabahuhan ang mga bagay dahil ganap at perpekto ang lahat sa piling ng Panginoon. Maraming gustong pumasok sa langit ngunit hindi magagawa. Bakit? Dahil hindi nagsikap. Amen
B. PANALANGIN SA SALITA NG DIYOS
Ama naming Mapagmahal, maraming-maraming salamat po sa Iyong patuloy na paggabay sa amin upang sundin ang kalooban Mo. Turuan Mo kami upang magsumikap na pumasok sa makipot na pintuan sa pamamagitan ng pagiwas sa anumang paggawa ng masama. At nawa'y maging handa rin kaming turuan ang kapwa naming sundin ang kalooban Mo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo aming Panginoon. AMEN.
÷UNAWAIN, IBAHAGI & ISABUHAY!!÷
*In principio Errat Verbum*
San Isidro Labrador Parish Tagbac, Oktobre 27, 2021
Salamat po sa Inyong lahat #
Daily PAYO ni Fradzsvd
(300/365)
-Ang makipot na pintuan ay ang daan patungo sa biyaya ng kaligtasang kaloob ng Panginoon-
*Take note! Read, Reflect & Share!!*
UNLAD FOR THE DAY
(Unahin Natin Lagi Ang Diyos)
A. SIMPLENG PAGSASADIWA
(Lucas 13:18-21)
#
"Ano ang katulad ng paghahari ng Diyos?"(Lucas 13:18)
Isang mapagpalang araw ng Martes po mga Ka-unlad. Ang ating simpleng katanungan para sa ating pagsasadiwa ngayong araw na ito ay "PINAPAHALAGAHAN MO BA ANG MGA MALILIIT NA BIYAYANG NATATANGGAP MO MULA SA DIYOS?"
Mga Ka-unlad, si Donny ay isang estudyante na malapit ng magtapos sa kolehiyo. Tinanong siya ng kanyang ama kung anong gusto niyang regalo sa kanyang graduation. Dahil may nakita siyang kotse na matagal na niyang gustong-gustong bilhin, at alam niya na kayang kaya namang bilhin ng kanyang Ama ang kotseng iyon. Kaya ang sagot niya ay "kotse po tay, ang gusto kong regalo mula sa iyo." Nung graduation day, pinatawag ng kanyang ama si Donny sa study room nila. Sinabi ng ama sa kanyang anak kung gaano niya ito kamahal at kung gaano siya kaproud sa kanya. Tapos may inabot siyang box, naka gift wrap. Nacurious si Donny kung ano ang laman ng box, syempre inaasahan niya na susi na ng kotse ang laman ng box. Pero pagkabukas niya, nakita niya ang isang leather Bible na may naka embossed na pangalan niya in gold. Nainis at nagalit si Donny, sabi niya sa kanyang ama na, “Ano ba yan, ang dami dami mong pera tapos eto lang ang ireregalo mo sa akin?” Sabay bato ng Bible sa sahig tapos umalis.
Mga Ka-unlad, karamihan sa atin ay naiinis at nalulungkot kapag maliit lang ang regalong natatanggap natin mula sa ating mga minamahal sa buhay. Gusto natin na bonggang bonggang regalo ang matatanggap natin. Ayaw natin na tumanggap ng maliit na sweldo sa pagsisimula ng ating trabaho sa isang kompanya. Ang gusto natin ay agad-agad na malaking sweldo. Pero hindi natin alam na bago maging matagumpay o sikat ang isang negosyante ay magsisimula muna siya sa pagiging mahirap na tao o sa mga maliit na puhunan. Narinig natin sa ebanghelyo ngayon ang isang talinghaga tungkol sa paghahari ng Diyos. Ito ay katulad ng isang maliit na butil ng mustasa at tinapay na lebadura. "Ano ang katulad ng paghahari ng Diyos?"(Lucas 13:18) Ano ba ang sumisimbulo sa isang maliit na butil ng mustasa? Maaring ito ay ang mga maliliit na ating ginagawa araw-araw sa ating kapwa. Halimbawa bilang isang pari ay magdasal para sa mga parishioners na may kaarawan. Bilang isang amo sa isang kompanya, magbibigay ng kaunting tips sa mga empleyado niya na masipag. Bilang isang asawa, paguwi galing sa trabaho, nagdadala ng paboritong pagkain para sa kanyang asawa at sa mga anak. Bilang mabuting kaibigan, kumustahin ang kaibigang maysakit o nagtatrabaho sa malayong lugar at marami pang iba. Hindi man siguro mapasalamatan araw-araw sa ating mga maliit na ginagawa subalit bahagi ito ng pagtatanim natin ng pagmamahal sa ating kapwa. May kalakip na mensahe ito at naalala natin ang ating mga mahal sa buhay o kaibigan kahit mukhang wala lang sa ating paningin o sa paningin ng ibang tao. Ang mga maliliit na sakripisyong ito ay gagantimpalaan ng Panginoon.
Ang HAMON sa atin bilang mga binibinyagang Katoliko ay pahalagahan natin ang anumang regalo o biyaya na natatanggap natin mula sa Diyos at sa ating kapwa, gaano man ito kaliit. Ipagpatuloy mo ang iyong pagiging mapagbigay sa kapwa kahit maliit at kaunti lang ang iniabot mong tulong sa kanila. Kung mayroon kang maliliit na bagay na ginagawa lalo para sa Panginoon, ipagpatuloy mo lang yan. Sapagkat hindi man natin nakikita ang resulta sa ngayon, siguradong may kahihinatnan ito. Lalago at uusbong ito. Palalaguin ito ng Panginoon. AMEN
B. PANALANGIN SA SALITA NG DIYOS
Ama naming Mapagmahal, maraming-maraming salamat po sa Iyong patuloy na pagkakaloob ng mga biyaya sa amin, mula sa malaki hanggang sa maliit. Turuan Mo kami upang matutong magpasalamat at magpahalaga sa lahat ng mga tulong na ibinigay sa amin ng aming kapwa, maliit man ito o malaki. Nawa'y maging masigasig naming ipahayag ang tungkol sa Iyong habag at awa upang ang biyaya ng kaligtasan ay aming makamtan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo aming Panginoon. AMEN
÷UNAWAIN, IBAHAGI & ISABUHAY!!÷
*In principio Errat Verbum*
San Isidro Labrador Parish Tagbac, Oktobre 26, 2021
Salamat po sa Inyong lahat #
Daily PAYO ni Fradzsvd
(299/365)
-Bawat isang hakbang na gagawin ay dapat na pag-isipan at pagdasalan-
*Take note! Read, Reflect & Share!!*
UNLAD FOR THE DAY
(Unahin Natin Lagi Ang Diyos)
A. SIMPLENG PAGSASADIWA
(Lucas 13:10-17)
#
"Babae, pinalaya ka na sa iyong karamdaman."(Lucas 13:12)
Isang mapagpalang araw ng Lunes po mga Ka-unlad. Ang ating simpleng katanungan para sa ating pagsasadiwa ngayong araw na ito ay "MAY ORAS KA BA SA PAGKAKAWANGGAWA SA IYONG KAPWA?"
Mga Ka-unlad, ang buong pamilya ni Joy ay mga taong palasimba. Halos lahat ng kanilang miyembro ng pamilya ay sumasali sa organisasyon sa simbahan. Walang lumiliban sa pagdadalo sa banal na misa, nobena, banal na oras at iba pang mga aktibidad sa simbahan. Isang araw, dalawa sa kanilang mga anak na miyembro ng kabataan sa parokya ay nagpaalam upang sumama sa ibang mga kabataan na bisitahin ang mga bata sa bahay ampunan. Ang pagpunta nila ay isa sa mga aktibidad ng mga kabataan. Magdadala sila ng mga pagkain at relief goods. Kaso hindi sila pinayagan ng kanilang mga magulang na sumama sa ibang mga kabataan dahil malayo daw ang lugar at bakit itapat pa sa araw ng Linggo ang pagalis nila. Kung aalis sila ng maaga, hindi na sila makakadalo ng banal na misa. Ibig sabihin, absent naman sila sa pagdalo sa banal na Misa. Pero sabi ng mga anak na puwede naman silang mag-atend ng misa sa simbahan na malapit doon. Pero ayaw parin ng kanilang mga magulang. Ayaw din nilang magdonate ng mga damit para sa mga bata sa bahay ampunan.
Mga Ka-unlad, marami sa ating mga kasama sa komunidad na palasimba at madasalin pero palaging may mga dahilan kapag hiningian na ng tulong para sa mga kapatid na nangangailangan sa paligid. Ang akala nila na kapag lagi silang nagsisimba at nagdarasal ay hindi na kailangang ng pagkakawangga. Sabi nga ni apostol Santiago na "ang pananampalatayang walang kalakip na gawa ay patay." Walang kabuluhan ang pagiging madasalin at palasimba ng mga magulang ng dalawang kabataan sa ating kwento ngayon dahil pinagbawalan nilang magkawang-gawa ang kanilang mga anak o tumulong sa mga kapwa nila kabataan na nangangailangan. Ang pagkakawanggawa ay ang kusang-loob na pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan, bilang isang makataong gawain o wala ring hinihinging kapalit kundi ang pasasalamat ay sapat na. Kung ang sigla at gana mong magdasal at magsagawa ng mga relihiyosong ritwal at mga gawain ay hindi pareho sa sigla at gana mong tumulong sa kapwa lalo na sa tunay na nangangailangan, ay may napakalaking problema ang iyong espiritwalidad at buhay pananamplataya. Sa ating ebanghelyo ngayon, natunghayan natin na kung saan nagalit ang tagapamahala ng sinagoga dahil pinagaling ni Jesus sa araw ng pamamahinga ang babaeng may karamdaman. "Babae, pinalaya ka na sa iyong karamdaman."(Lucas 13:12) Si Jesus mismo ang tumawag sa babaeng maysakit dahil naawa Siya sa kanya. Pero ayon sa batas ng mga Judyo ay bawal ng magtrabaho sa araw ng pamamahinga ang sinumang tao. Ang pagpapagaling sa mga maysakit ay isang uri ng paggawa. Para sa mga kalaban ni Jesus, mas mahalaga ang batas kaysa tao. Hindi nila nalalaman na ang tunay na kalooban ng Diyos na puno ng habag sa tao ano pa mang paraan ang gamitin upang maparating ito.
Ang HAMON sa atin bilang mga binibinyagang Katoliko ay gawin nating prioridad ang pagaanin ang hirap ng kapwa kaysa mga ritwal at seremonyas. Hindi sinasabing huwag ng magdasal o magsagawa ng mga relihiyosong ritwal. Pero kailanman ay hindi puwedeng ipagpaliban ang malasakit sa kapwa lalo na't nariyan na ang pangangailangan. Lalong napapapurihan ang Diyos kapag may nagagawa tayong mabuti sa ating kapwa. Ang pagkakawanggawa ang pinakapalatandaan ng isang tunay na nananampalataya. AMEN
B. PANALANGIN SA SALITA NG DIYOS
Ama naming Mapagmahal, maraming-maraming salamat po sa Iyong patuloy na paggabay sa amin upang maging taong may malasakit sa kapwang mahihirap. Turuan Mo kaming mahalin at sambahin Ka sa pamamagitan ng pakikisangkot namin sa mga gawaing magpapagaan sa dinadala ng mga nabibigatan sa buhay. Nawa'y bigyan Mo po kami ng sapat ng lakas upang makasunod sa Iyo at may gawin kaming konkreto para sa kapwa naming nangangailangan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo aming Panginoon. AMEN+
÷UNAWAIN, IBAHAGI & ISABUHAY!!÷
*In principio Errat Verbum*
San Isidro Labrador Parish Tagbac, Oktobre 25, 2021
Salamat po sa Inyong lahat #
Daily PAYO ni Fradzsvd
(298/365)
-Tandaan natin na ang ating awa ay hindi mamumunga hangga’t hindi natin madugtungan ng gawa-
*Take note! Read, Reflect & Share!!*
UNLAD FOR THE DAY
(Unahin Natin Lagi Ang Diyos)
A. SIMPLENG PAGSASADIWA
(Marcos 10:46-52)
#
“Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.” (Marcos 10:52a)
Isang mapagpalang araw ng Linggo po mga Ka-unlad. Ang ating simpleng katanungan para sa ating pagsasadiwa ngayong araw na ito ay "GAANO BA KATIBAY ANG IYONG PANANAMPALATAYA SA DIYOS?"
Mga Ka-unlad, si Mika ay ang panganay sa kanilang magkakapatid. Tapos na siya sa kanyang pag-aaral sa kolehyo at ang kanyang kurso ay civil engineer. Umaasa ang kanyang mga magulang na siya na ang magsuporta sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid na sa high school at kolehyo. Yun lang, dalawang beses na rin siyang nagtake ng board exam pero hindi siya nakapasa. Nalulungkot ang kanyang mga magulang at ang kanyang mga kapatid dahil hindi pa nakapasa si Mika. Pagkalipas ng dalawang taon, magplanong muli si Mika na magtake ng board exam ng pangatlong beses. Noong nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay, sabi nila: "ano ba yan, magtatake naman siya ng board exam. Dalawang beses ng hindi nakapasa pero gusto paring kumuha uli. Sayang lang ang gastos sa board exam yan. Tapos kung hindi nakapasa uli, mapapahiya naman ang mga magulang niya." Nakarating sa kanya ang mga bad comments na ito pero hindi niya pinansin. Patuloy ang dasal, pangarap at laban niya sa buhay. Ipinagkatiwala niya sa Diyos ang lahat ng kanyang pangarap at suliranin sa buhay. At awa ng Diyos at dahil din sa kanyang sariling pagsisikap, siya ay nakapasa at naging Top notcher. Kaya hindi na siya at ang kanyang mga magulang ang napapahiya kundi ang kanyang mga kapitbahay na pakialamero/a at chismosa/o.
Mga Ka-unlad, ang mga taong madaling sumuko sa buhay ay mga taong ayaw maging matagumpay. Ang mga taong takot lumaban sa anumang pagsubok sa buhay ay mga taong mahina sa pananampalataya sa Diyos. Si Mika, kahit dalawang beses nang hindi nakapasa sa board exam at minamaliit ng kanyang mga kapitbahay ang kakayahan niya pero ayaw parin niyang sumuko at patuloy paring lalaban. Dahil alam niya na hindi siya ng nagiisa sa paglaban. Kasama niya ang Diyos at ang kanyang mga pamilya na sumusuporta sa kanya. Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, ay nakapagpagaling si Jesus ng isang pulubing hindi nakakakita. Ilang beses itong tumawag sa Panginoon at nagmakaawa kahit maraming pumipigil sa kanya. Makamtan lamang niya ang inaasam na pagpapagaling. Ang pagpapagaling ay nagsisimula sa pagtawag sa Diyos at paghihingi ng kanyang awa.
Mga Ka-unlad, ang tunay na pananampalataya ay hindi nanghihina sa mga pagsubok sa buhay o pag-uusig ng ibang tao. Dahil kung tayo ay may tiwala kay Kristo hindi ka Niya bibiguin. Tulad ni Bartimeo, hindi siya binigo ni Kristo. Noong nakita ni Kristo ang matibay na pananampalataya ni Bartimeo, sabi ni Jesus sa kanya; “Humayo ka, magaling ka na dahil sa iyong pananalig.” (Marcos 10:52a) Kung ito’y ating pagninilayan, ang pagkabulag na ito maging sa kasalukuyang buhay natin ay hindi lamang pisikal ang tinutukoy kundi maging sa espiritwal na buhay.
Ang HAMON sa atin bilang mga binibinyagang Katoliko ay huwag nating isuko ang ating pananalig sa Diyos. Huwag tayong tumigil sa pagbibigay ng ating pananalig sa Diyos. Ipagpatuloy natin ang pagiging matiyaga at matapat sa ating pagsasabuhay ng ating pananalig sa Diyos. Sa ating pangaraw-araw na buhay, hindi tayo dapat sumuko sa pagtawag sa Diyos kahit maraming balakid. Kahit na minsan pakiramdam natin ay hindi tayo naririnig, kailangan lamang natin magpatuloy sa panalangin at maghintay. Kinalulugdan ng Panginoong Diyos ang mga hindi sumusuko sa Kanya. AMEN
B. PANALANGIN SA SALITA NG DIYOS
Ama naming Mapagmahal, maraming-maraming salamat po sa Iyong patuloy na pagaakay sa amin pabalik sa tamang landas. Turuan Mo kami upang hayaan ang aming sarili na maging instrumento Mo sa pagaakay ng kapwa naming naliligaw ng landas. Nawa'y maging mulat kami sa aming pananampalataya at manatiling matatag sa pagharap sa anumang mabibigat na suliranin sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo aming Panginoon. AMEN+
÷UNAWAIN, IBAHAGI & ISABUHAY!!÷
*In principio Errat Verbum*
San Isidro Labrador Parish Tagbac, Oktobre 24, 2021
Salamat po sa Inyong lahat #
Daily PAYO ni Fradzsvd
(297/365)
-Kung wala ang Diyos, tayo ay mga bulag na walang direksyion sa buhay-
*Take note! Read, Reflect & Share!!*
UNLAD FOR THE DAY
(Unahin Natin Lagi Ang Diyos)
A. SIMPLENG PAGSASADIWA
(Lucas 13:1-9)
#
"Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin."(Lucas 13:9)
Isang mapagpalang araw ng Sabado po mga Ka-unlad. Isang simpleng katanungan na maging gabay para sa pagsasadiwa ngayong araw na ito ay "ANO ANG DAPAT MONG BAGUHIN SA SARILI MO AYON SA MGA PAGTUTURO NG PANGINOON?"
Mga Ka-unlad, noong nasa Seminary formation pa kami, mayroon iba't-ibang aspeto na kailangan tingnan at suriin sa amin ng aming mga formators kung karapatdapat ba kaming magpatuloy ng aming bokasyan sa pagkapari o hindi. Ang buhay namin sa Seminaryo ay walang kasiguraduhan. Kung ngayong araw na ito ay nasa Seminaryo ka pa at siguro sa kinabukasan ay wala ka na. Ito ay nakadepende sa aming pag-uugali habang nasa loob kami ng seminaryo. Pero hindi rin basta basta na pinaalis kami sa Seminaryo kung nahuling lumabag kami sa mga patakaran sa seminaryo. Binibigyan pa kami ng pangalawa at pangatlong pagkataon para magbago. Kung hindi talaga magbabago, ibig sabihin kami na mismo ang ayaw magpatuloy ng aming bokasyan sa pagkapari. Pero minsan, sinisisi pa namin ang mga formators kung bakit pinaalis nila ang mga seminarian. Yun pala marami na silang nagawang kasalanan na hindi namin alam at tanging ang mga formators lang ang nakakaalam at ang mga seminarian mismo.
Mga Ka-unlad, ang mga seminaryan na palaging lumalabag sa patakaran sa seminaryo ay tinutulungan ng mga formators sa pamamagitan ng mga magagandang payo na ibinibigay sa kanila. Ginagabayan sila araw-araw para maging mabuti at masunuring Seminaryan. Nasa kanila na ang desisyon kung tinatanggap ba nila o hindi. Kagaya nila, lahat tayo ay parang mga puno na itinanim ng Panginoon. Inaalagaan Niya tayo at bininigyan ng maraming biyaya upang mabuhay. Matapos nito ay inaabangan Niya ang ating bunga, kung masagana ba o hindi. Natunghayan natin sa ebanghelyo ngayon araw na patuloy na umaasa ang Panginoon na tayo’y tutugon sa Kanyang tawag upang mamunga ng mabuting bagay. Upang gumawa ng mabuti, magsalita ng mabuti sa kapwa at mag-isip ng mabuti. "Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin."(Lucas 13:9) Pagbabago ang ating kailangan. Ang mga taong hindi na nagbabago para sa nakabubuti ay parang halaman na walang tumutubong bunga. Tuyo, walang laman at bunga ang kanyang mga sanga. Ngunit ganito ba tayo nilikha ng Panginoon? Hindi tayo nilikha ng Diyos upang maging pampasikip lamang at walang silbi sa isang tabi.
Ang HAMON sa atin bilang mga binibinyagang Katoliko ay baguhin ang ating sarili hangga't may panahon pa para maging karapatdapat tayong mapabilang sa Kaharian ng Diyos. Bawat isa sa atin ay tatanggap ng paghuhusga na mula sa Panginoon. Ang paghuhusga sa atin ng Diyos ay nakabatay sa ating mga ginagawa. Ang mga masasama ay paparusahan. Ang mga mabubuti at nagpupursigi hanggang dulo na gumawa ng mabuti ay may gantimpalang mula sa Diyos. Ang mga walang ginagawa o kulang ang ginagawa ay mayroon ding sariling pupuntahan. Sapagkat ang Diyos ay Diyos na makatarungan. AMEN
B. PANALANGIN SA SALITA NG DIYOS
Ama naming Mapagmahal, maraming-maraming salamat po sa Iyong patuloy na pagtanggap sa amin sa kabila ng aming pagiging suwail sa mga utos Mo. Gabayan Mo kami upang mas pipiliin namin na sundin ang utos Mo at matutong pagsisihan ang aming mga nagawang kasalanan. Nawa'y palaging handa kami na tanggapin Ka upang baguhin Mo kami ayon sa Iyong kagustuhan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo aming Panginoon. AMEN.
÷UNAWAIN, IBAHAGI & ISABUHAY!!÷
*In principio Errat Verbum*
San Isidro Labrador Parish Tagbac, Oktobre 23, 2021
Salamat po sa Inyong lahat #
Daily PAYO ni Fradzsvd
(296/365)
-Huwag lang pangarapin ang pagbabagong buhay, samahan natin ito ng aksyon at gawa-
*Take note! Read, Reflect & Share!!*
UNLAD FOR THE DAY
(Unahin Natin Lagi Ang Diyos)
A. SIMPLENG PAGSASADIWA
(Lucas 12:54-59)
#
"...Makipag-ayos ka sa nagsakdal habang may panahon,..."(Lucas 12:58b)
Isang mapagpalang araw ng Biyernes po mga Ka-unlad. Ang ating simpleng katanungan para sa ating pagsasadiwa ngayong araw na ito ay "KUMUSTA ANG IYONG PERSONAL NA UGNAYAN SA DIYOS AT SA IYONG KAPWA?"
Mga Ka-unlad, mayroong isang pamilyang Katoliko na sikat na sikat sa isang baryo dahil sila ay mayaman at kaya nilang paaralin ang kanilang mga anak sa mamahaling unibersidad. Nagiging proud ang mga magulang dahil napakatalino ng kanilang mga anak. At noong nakapagtapos na ng pag-aaral ang kanilang mga anak, nagtatrabaho din sila sa malalaking kompanya. Yun lang medyo mayabang sila sa mga kasama sa lugar pinagtatrabahuan nila at ayaw din makihalubilo sa mga kapitbahay nila sa kanilang komunidad. Kapag may prayer meeting sa kanilang komunidad, hindi rin sila sumali dahil iniisip nila na wala daw pinagaralan ang mga ka-miyembro nila. At noong may nasunogan sa kanilang baryo, hindi rin sila nagbigay ng tulong dahil ayon sa kanila na kung magkakaroon din sila ng problema sa kanilang pamilya ay hindi rin sila kayang tulungan ng kanilang mga kapitbahay dahil mahihirap lang daw sila. During summer time, magbakasyion ang buong pamilya nila sa ibang bansa. At sa kasamaang palad, ang eroplanong sinasakyan nila ay nakrush. Silang lahat ay namatay at lahat ng kayamanan nila ay hindi madala sa kanilang buhay.
Mga Ka-unlad, walang saysay ang ating katalinuhan, mataas na pinagaralan, maraming alam sa mundo at may limpag-limpag na kayamanan kung maging manhid at bulag tayo sa kalagayan ng ating kapwa. Saan ba ng galing ang ating mga kayamanan? Sino ba ang nagkaloob sa atin ng katalinuhan at karunungan? Diba ang lahat ng sa atin ay galing sa Diyos. Pero kumusta naman ang ating pananampalataya at pakikitungo sa ating kapwa? Sa ating ebanghelyo ngayong araw, binigyang diin ni Jesus ang kahalagahan ng pakikipagkasundo sa Diyos at sa ating kapwa. "...Makipag-ayos ka sa nagsakdal habang may panahon,..."(Lucas 12:58b) Tayo ay inaanyayahan Niya upang sikaping panatilihin ang mabuting ugnayan at pagkakasundo bilang mga magkakapatid sa pananampalataya. Mayroon sa atin na matalino at maraming alam sa mga bagay sa mundo ngunit napakahina pagdating sa buhay pananampalataya at pakikitungo sa kapwa. Ang tunay na dakila sa kaharian ng Diyos ay hindi yung mga taong may maraming makamundong kayamanan at ang mga taong may maraming titulo na maipagmamalaki sa iba kundi yung mga taong may pusong malinis, dalisay, mapagpakumbaba, madasalin, mahabagin at mapagbigay sa kapwa.
Ang HAMON sa atin bilang mga binibinyagang Katoliko ay ayusin natin ang ating ugnayan sa Diyos at sa kapwa. Dapat matuto tayong magpakumbaba, at gumawa ng mabuti at tama. Gawin natin ang dapat gawin sa mata ng Diyos. Humingi ng tawad at magpatawad. Lahat ng ito ang makakapagbigay sa atin ng tunay na katalinuhang hindi maagaw sa atin at hindi matututunan sa kung saan man ngunit sa Diyos lamang. Ito rin ang makakapaghatid sa atin sa buhay na walang hanggan. AMEN
B. PANALANGIN SA SALITA NG DIYOS
Ama naming Mapagmahal, maraming-maraming salamat po sa Iyong patuloy na pagiging mabuti at mapagpatawad sa aming mga makasalanan. Tulungan Mo kaming maging tulad Mo, at nang kami’y maging mahabagin din tulad Mo. Nawa'y gamitin namin ang aming katalinuhan at karunungan sa paggawa ng tama at mabuti at iwasan ang paggawa ng masama sa kapwa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo aming Panginoon. AMEN+
÷UNAWAIN, IBAHAGI & ISABUHAY!!÷
*In principio Errat Verbum*
San Isidro Labrador Parish Tagbac, Oktobre 22, 2021
Salamat po sa Inyong Pagsubaybay. Pagpalain po kayo ng Panginoon! #
=MAMA MARY LOVES YOU=